Muling sasalubong sa mga motorista ang panibagong bugso ng dagdag-presyo sa petrolyo simula ngayong Martes, Pebrero 10, 2026. Ito na ang ikalimang sunod-sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina, habang ikapitong linggo na itong itinaas para sa diesel at kerosene.
Sa mga hiwalay na abiso ng mga kumpanya ng langis tulad ng Shell Pilipinas Corp., SEAOIL, at Caltex, madaragdagan ng ₱0.60 ang bawat litro ng gasolina, ₱1.00 sa diesel, at ₱0.60 naman sa kerosene.
Ang mga kumpanya namang CleanFuel at PetroGazz ay magpapatupad din ng parehong dagdag-presyo sa gasolina at diesel sa magkaibang oras.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang patuloy na pag-akyat ng presyo sa lokal na merkado ay dulot ng mas mataas na demand sa world market at ang mga geopolitical risks sa ibang bansa na direktang nakakaapekto sa suplay ng krudo.
Inaasahang susunod din ang iba pang maliliit na kumpanya ng langis sa pagpapatupad ng katulad na mga adjustment sa kanilang mga produkto sa mga susunod na araw.
Sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike na ito, pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging matipid sa paggamit ng gasolina at magplano ng mga biyahe upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin sa transportasyon. (Limuel Tolentino)
