Opisyal nang pinagtibay ng Senado nitong Lunes, Pebrero 9, ang isang resolusyong mariing kumokondena sa mga pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa mga opisyal ng Pilipinas. Sa kabila ng pagpasa, hindi ito naging madali dahil sa nauwing mainit na pagtatalo sa pagitan nina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Nagsimulang uminit ang talakayan nang kuwestiyunin ni Cayetano ang inasal ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela. Matatandaang gumamit si Tarriela ng mga caricature o meme ni Chinese President Xi Jinping sa isang academic event, na umani ng batikos mula sa China.
Ayon kay Cayetano, “bastos” at “undiplomatic” ang ginawa ni Tarriela.
“Hindi natin pwedeng ipasa ang resolusyong ito na nagsasabing tama si Commodore Tarriela dahil mali siya,” giit ng Minority Leader.
Agad itong sinalag ni Pangilinan, ang sponsor ng resolusyon.
Aniya, interpretasyon lamang ito ni Cayetano at binigyang-diin na ang mas hindi katanggap-tanggap ay ang mga banta at pahayag na nagmumula sa embahada ng China.
Umabot sa puntong nagkataasan ng boses ang dalawa nang magmungkahi si Cayetano na mag-post din ng mga meme laban kay Pangilinan upang ipakita kung gaano umano ito kabastos.
Tinawag ito ni Pangilinan na isang “unfair comparison.” Dahil sa tensyon, pansamantalang itinigil ang sesyon upang palamigin ang sitwasyon.
Nang magpatuloy, ipinaalala ni Pangilinan na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi kailanman pinarusahan o pinagsabihan si Tarriela sa mga pahayag nito. “Kung hindi sumasang-ayon ang kagalang-galang na senador, gaya ng hindi pagsang-ayon ng China… malaya siyang gawin iyon,” ani Pangilinan.
Bagama’t nagmungkahi si Cayetano na ipagpaliban muna ang pagpasa dahil sa kawalan umano ng malinaw na listahan ng mga pahayag na kinokondena, iginiit ni Pangilinan na sapat na ang naging pagdedebate.
Sa huli, inisa-isa ni Pangilinan ang mga pahayag ng China na naging mitsa ng resolusyon, kabilang ang banta ni Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun noong Enero 19.
Sa naturang pahayag, binalaan ng China ang mga opisyal ng Pilipinas na “itigil ang probokasyon at pagbaluktot sa katotohanan, kundi ay pagbabayaran nila ang kanilang ginawa.”
Ang pagpasa sa resolusyong ito ay dagdag sa serye ng mga hakbang ng Senado laban sa harassment ng China sa West Philippine Sea. Sa kabila ng 2016 arbitration ruling na kumikilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) nito, patuloy pa rin ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea.
Naaprubahan ang resolusyon “subject to style” at walang anumang pormal na pagtutol mula sa mga senador matapos ang mahabang interpellation.
