Nagluluksa ang buong bansa sa biglaang pagpanaw ng Pinoy chess legend at FIDE Master na si Sander Severino. Ang Asian Para Games gold medalist ay pumanaw nitong Sabado sa kanyang hometown sa Silay dahil sa heart failure sa edad na 40.
Ang pagpanaw ni Severino ay ikinagulat ng marami, lalo na’t sariwa pa ang kanyang tagumpay sa katatapos lamang na ASEAN Para Games sa Nakhonratchasima, Thailand noong nakaraang linggo.
Doon ay muling pinatunayan ni Severino ang kanyang husay matapos humakot ng tatlong gintong medalya sa Men’s Individual Standard P1, Men’s Individual Blitz P1, at bilang bahagi ng Men’s Team Standard P1.
Sa kabila ng pagkakaroon ng amyotrophic lateral sclerosis (ALS) o Lou Gehrig’s disease mula noong walong taong gulang pa lamang—na naging dahilan ng kanyang pagkaparalisado at paggamit ng wheelchair—hindi ito naging hadlang upang maging isa siya sa pinakamahusay na chess player sa Asya.
Matapos makuha ang titulong FIDE Master noong 2015, naging sunod-sunod ang kanyang panalo mula sa Singapore hanggang sa makasaysayang paghakot niya ng apat na ginto sa Jakarta Asian Para Games noong 2016. Dahil sa kanyang pambihirang galing, siya ang itinuturing na pinaka-bemedalled member ng Philippine Para Chess Team sa kasaysayan.
Dahil sa kanyang kontribusyon sa palakasan, nakatakda sanang kilalanin si Severino kasama ang Para Games contingent sa darating na SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Awards Night sa Pebrero 16 sa Diamond Hotel Manila.
Ang kanyang legasiya ay mananatiling simbolo ng katatagan at husay ng atletang Pilipino, na nagpapatunay na ang kapansanan ay hindi hadlang sa pag-abot ng tugatog ng tagumpay. (Ron Tolentino)
