SAN JUAN CITY — Hindi nag-aksaya ng panahon ang Fil-Canadian star na si Savi Davison upang patunayan ang kanyang bangis matapos pangunahan ang PLDT High Speed Hitters sa isang dominanteng sweep laban sa higanteng Creamline Cool Smashers, 25-22, 25-17, 25-23, sa pagbubukas ng 2026 PVL All-Filipino Conference nitong Huwebes sa Filoil EcoOil Centre.
Nagpakitang-gilas ang 2025 PVL Invitational MVP sa pamamagitan ng “monster performance,” kung saan humakot siya ng 26 points, kasama ang 11 digs at 10 receptions, upang biguin ang debut ng Cool Smashers ngayong season.
Bago magsimula ang laban, inamin ni Davison na nakaramdam siya ng bahagyang kaba nang makitang kompleto ang powerhouse lineup ng Creamline—isang pambihirang pagkakataon sa mga nakaraang kumperensya.
“Nakaka-intimidate sila paglabas pa lang. Hindi ako magsisinungaling, nang makita ko silang kompleto, alam kong magiging mahirap ang laban,” ani Davison.
Gayunpaman, sa halip na panghinaan ng loob, ginawa itong motibasyon ng pambato ng PLDT upang bombahin ang depensa ng Creamline mula simula hanggang dulo, dahilan upang hindi makaporma ang 10-time league champions.
Isa sa mga naging malaking hamon para kay Davison ay ang pagbabalik ng Alas Pilipinas captain at veteran setter na si Jia De Guzman. Ayon kay Savi, naging “puzzle” para sa kanya ang pagbabasa sa mga galaw ng playmaker ng Cool Smashers.
“Ang hirap basahin ng mga kamay niya (Jia). Akala ko makaka-swing ako sa magkabilang side pero ibang klase ang labas ng bola,” paliwanag ni Davison. “Wala silang mahinang link sa team, lahat sila ay fierce.”
Sa kabila ng pagbabalik nina De Guzman at Bernadeth Pons, nanatiling matatag ang High Speed Hitters sa ilalim ng gabay ni Coach Rald Ricafort.
Ang panalo ay itinuturing na isang malaking “statement” para sa PLDT, lalo na’t nagawa nilang tapusin ang laban sa loob lamang ng tatlong sets laban sa itinuturing na pinakamalakas na koponan sa liga. (Ron Tolentino)
