Hindi lubos na nakaporma ang pambato ng Pilipinas na si Alex Eala matapos makatapat ang higit na may karanasang si Ekaterina Alexandrova, ang second seed ng torneo, sa quarterfinals ng WTA 500 Mubadala Abu Dhabi Open.
Yumukod ang Filipina rising star sa world No. 11 na si Alexandrova sa loob ng dalawang sets, 6–3, 6–3, nitong Huwebes ng gabi, oras sa Maynila.
Maagang naramdaman ang pressure nang rumatsada ang Russian veteran sa 4–1 na kalamangan sa unang set kung saan dinomina nito ang palitan mula sa baseline.
Bagama’t pilit na humabol si Eala upang ilapit ang iskor sa 3–5, hindi hinayaan ng Russian na makaporma pa ang Filipina at agad na tinapos ang set.
Kapansin-pansing tila kulang sa liksi si Eala sa labang ito matapos ang kanyang matinding three-setter match laban kay Aliaksandra Sasnovich wala pang 24 oras bago ang kanilang tapatan.
Sa ikalawang set, sinubukan ni Eala na baligtarin ang agos at nakakuha ng unang puntos, ngunit mabilis itong sinagot ni Alexandrova ng tatlong sunod-sunod na game upang agawin ang kontrol.
Nagpakita pa ng tapang si Eala para muling itabla ang laban sa 3–3, subalit muling pinatunayan ng 31-anyos na karibal ang kanyang tibay nang walisin ang huling tatlong games para makuha ang panalo sa loob ng isang oras at 30 minuto.
Sa kabila ng pagkatalo sa singles, hindi pa tapos ang kampanya ni Eala sa Abu Dhabi dahil sasabak pa siya sa doubles quarterfinals kasama ang kapwa Southeast Asian na si Janice Tjen.
Matapos ang torneo, nakatakda ring lumahok ang trailblazing Filipina sa WTA 1000 Qatar Open sa kanyang patuloy na paghahangad na makuha ang kanyang kauna-unahang WTA Tour title. (Ron Tolentino)
