Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes ng isang milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maghahantong sa pagkakadakip sa pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pulis na natagpuan sa loob ng septic tank sa Malolos, Bulacan.
Mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla ang nag-anunsyo ng nasabing “price tag” para sa pagkaka-aresto kay Julian Salamat, na itinuturing na gunman sa pagpaslang kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr. Ayon sa Police Regional Office 3, huling nakitang buhay ang biktima noong Enero 24, araw ng kanyang kaarawan, matapos magpaalam sa kanyang asawa na pupunta sa Malolos upang makipagkita sa isang asset.
Matapos hindi makauwi, iniulat na nawawala si Casauay hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay noong Enero 30 sa loob ng isang septic tank. Nagtamo ang biktima ng tatlong sugat mula sa bala: isa sa ulo at dalawa sa kanyang mga kamay.
Sa kasalukuyan, apat na suspek na ang nasa kamay ng mga awtoridad, habang pito pa ang pinaghahanap, kabilang si Salamat. Isa sa mga nadakip ay isa ring pulis na umano’y naabisuhan ng gunman tungkol sa krimen ngunit hindi umaksyon. Dalawa naman sa mga arestado ang nagbigay na ng extrajudicial confession at inaming inutusan silang linisin ang crime scene at itapon ang bangkay sa septic tank.
Lumalabas sa imbestigasyon na “ganti” ang motibo sa krimen matapos magsagawa si Casauay ng isang anti-drug operation noong Disyembre 2025 na may kaugnayan sa hinihinalang gunman. Hawak na ng pulisya ang mga CCTV footage na magsisilbing ebidensya sa kaso habang patuloy ang pagtugis sa mga nakalayang suspek.
