Pormal nang ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatanggal sa lahat ng pangalan, larawan, at iba pang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno mula sa mga proyektong pinondohan ng bayan.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006 na inilabas nitong Biyernes, inatasan ang lahat ng opisina ng kagawaran at mga Local Government Units (LGUs)—mula probinsya hanggang barangay—na tiyaking “clean” ang lahat ng government-funded projects.
Ibig sabihin, bawal nang makita ang mukha, pangalan, logo, inisyal, paboritong kulay, o pati na ang mga slogan ng mga politiko sa mga signage, marker, tarpaulin, at iba pang materyales.
Binigyang-diin ng DILG na ang mga programa ng gobyerno ay hindi dapat ginagawang personal na billboard ng mga opisyal. Ayon sa pahayag ng kagawaran, ang mga proyektong ito ay mula sa buwis ng mga mamamayan kaya dapat itong sumalamin sa serbisyo sa publiko at hindi sa pansariling credit-grabbing ng mga politiko.
Ang nasabing kautusan ay nakabatay sa Article XI, Section 1 ng 1987 Constitution na nagsasabing ang “public office is a public trust.” Sinusuportahan din ito ng Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards) at ng pinakabagong Section 20 ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act (GAA).
Inutusan ang lahat ng mga kinauukulang opisyal at empleyado na agad na baklasin o itama ang mga materyales na hindi sumusunod sa bagong patakaran.
Ang mga pinuno ng bawat opisina ang magiging direktang responsable sa mabilis na pagsunod sa direktiba sa loob ng kanilang mga hurisdiksyon.
Nauna rito, nagbabala na rin si DILG Secretary Jonvic Remulla na ang mga mapapatunayang lalabag o “epal” na politiko ay maaaring harapin ang mga kasong administratibo o suspensyon base sa mga itinakdang alituntunin ng kawanihan at ng Commission on Audit (COA).
