File photo
Pormal nang tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Miyerkules ang kanyang ika-apat na bituin, ang pinakamataas na ranggo sa kapulisan bilang Police General.
Ang pag-akyat na ito sa ranggo ay nagbibigay-wakas sa ilang buwang sitwasyon kung saan nanatiling hawak ng pinalitang pinuno na si Nicolas Torre III ang apat na bituin sa kabila ng pagkakatalaga kay Nartatez noong Agosto 2025.
Matatandaang nasibak sa pwesto si Torre noong nakaraang taon matapos itong umanong sumuway sa kautusan ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng balasahan ng mga matataas na opisyal sa organisasyon.
Noong Disyembre 2025, muling lumitaw sa publiko si Torre nang manumpa ito bilang bagong General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, awtomatikong mandatory retirement ang kahahantungan ni Torre sa oras na pumili ito ng ibang trabaho sa labas ng PNP.
Pinagtibay rin ito ni NAPOLCOM Vice Chairperson Ralph Calinisan sa pagsasabing “ipso facto resigned” na ang dating hepe mula sa serbisyo ng pulisya.
Bagaman may lumabas na kautusan mula sa NAPOLCOM na nagsasabing epektibo ang retirement ni Torre noong Disyembre 26, 2025, itinanggi ng opisyal na may pinirmahan siyang anumang dokumento para rito.
Gayunpaman, kinumpirma ng Malacañang noong Enero 22 na handa at bukas si Torre na ipasa ang four-star rank kay Nartatez, na nagbigay-daan sa ginanap na promosyon ngayong araw.
