Nagpaabot ng pagdadalamhati at pakikiramay si Vice President Sara Duterte sa mga pamilyang naulila sa trahedyang kinasangkutan ng barkong MV Trisha Kerstin 3, na lumubog sa karagatan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan.
Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-pugay rin niya ang katapangan ng mga rescuers na kasalukuyang nagsasagawa ng search and rescue operations sa kabila ng panganib sa dagat, habang nananawagan sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng mga pasaherong hindi pa natatagpuan.
Binigyang-diin din ng Pangalawang Pangulo ang kahalagahan ng ibayong pag-iingat sa paglalakbay sa dagat upang maiwasan ang ganitong mga sakuna.
Ayon sa kaniya, mahalagang laging magsuot ng life jacket, sumunod sa tamang kapasidad ng sasakyang pandagat, at huwag nang maglayag kapag masama ang panahon o may banta ng bagyo.
Pinaalalahanan din niya ang mga biyahero na laging makinig sa instruksyon ng kapitan at crew, iwasan ang pagtayo sa gilid ng bangka, at panatilihing tuyo ang mga gamit upang hindi madulas.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Duterte na dapat alamin ng bawat pasahero ang lokasyon ng mga safety equipment gaya ng life buoys at emergency exits sa loob ng barko.
Mahalaga rin aniya ang laging pagbabantay sa mga bata at ang pagdadala ng sapat na suplay ng pagkain, tubig, at first aid kit para sa anumang hindi inaasahang pangyayari sa gitna ng biyahe.
