Nanawagan ng imbestigasyon si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kaugnay ng kontrobersiyang bumabalot sa Solar Para Sa Bayan Corp. (SPBC), kumpanyang inuugnay kay Batangas Rep. Leandro Leviste, na aniya’y tila kahalintulad ng isang “ghost project.”
Tinukoy ni Adiong ang mga alegasyong naibenta umano ang prangkisa ng SPBC, na pinagkalooban ng Republic Act No. 11357 noong 2019 upang magtayo at mag-operate ng solar-powered microgrids sa mga liblib at hindi napaglilingkurang lugar sa bansa.
Sa isang forum nitong Sabado, iginiit ni Adiong na kung mapatutunayang ibinenta ang prangkisa upang iwasan ang obligasyon, ito ay seryosong paglabag sa tiwalang ipinagkaloob ng Estado.
“Kapag ibinenta mo ito para lang takasan ang responsibilidad, anong pagkakaiba niyan sa mga ‘ghost project’ na may obligasyon ka na pero basta mo na lang tinalikuran? Walang pagkakaiba,” ani Adiong.
Binigyang-diin din niya na ang prangkisa ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyo na ibinibigay ng pamahalaan, kaya’t hindi ito dapat ituring na ordinaryong ari-ariang puwedeng ipasa o ibenta.
Mariin namang itinanggi ni Rep. Leandro Leviste ang mga paratang, at sinabing hindi niya ibinenta o “in-ambush” ang prangkisa ng SPBC.
Kaugnay nito, nagsampa rin si Leviste ng civil libel complaint laban kay Malacañang Press Officer Claire Castro, na inakusahan niyang nagpalaganap ng maling impormasyon—kabilang ang alegasyong nakuha umano ang prangkisa bilang pabor noong nakaraang administrasyon at ibinenta ito nang walang pahintulot ng Kongreso.
Bagama’t wala pang kumpirmasyon kung may pormal nang resolusyong inihain sa Kamara, iginiit ni Adiong na kailangang busisiin ang usapin upang matiyak na hindi naaabuso ang mga pribilehiyong ipinagkakaloob ng gobyerno sa pribadong sektor—lalo na yaong may direktang epekto sa serbisyong pampubliko tulad ng kuryente. (Boyet Barba Jr)
