“Ang anak ay hindi ari-arian!” Ito ang naging mariing paalala ng mga awtoridad matapos malambat ang isang 45-anyos na ina na ginawang negosyo ang sariling dugo’t laman sa social media.
Sa ulat ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), nagsimula ang operasyon nang mamataan ng mga cyber patroller ang isang post sa Facebook kung saan iniaalok ng suspek ang kanyang sariling anak para sa “adoption” kapalit ng pera.
Agad na nagpanggap na buyer ang mga awtoridad sa Messenger at dito na pumayag ang ina na ibigay ang bata sa halagang P8,000 lamang.
Ayon kay PNP-ACG Acting Director Brig. Gen. Wilson Asueta, nagbigay muna ng initial payment ang mga pulis bago ang meetup upang masigurong hindi makakatakas ang suspek.
Sa gitna ng imbestigasyon, lumabas ang mas masakit na katotohanan na ang suspek ay may pitong anak at hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ang krimen.
Ibinunyag ng mga awtoridad na may isa na siyang anak na naibenta noon, habang ang ibang mga kapatid nito ay ipinamigay o nasa kustodiya na ng mga kamag-anak. Kasalukuyan na ring tinutunton ang ama ng bata upang mabatid kung may kinalaman ba ito sa transaksyon o kung sadyang wala siyang malay sa ginagawa ng asawa.
Mariing nagbabala si Asueta na ang mga bata ay hindi ari-arian na pwedeng ibenta sa oras na kailanganin ng pera.
Binigyang-diin niya na ang pagdaan sa ilegal na proseso ay naglalagay sa sanggol sa matinding panganib tulad ng organ trafficking o iba pang uri ng pagsasamantala dahil walang kasiguruhan kung sa ligtas na kamay ba sila mapupunta.
Ligtas na ngayon ang bata sa ilalim ng pangangalaga ng Pasig City Social Welfare and Development Office habang ang ina ay nakapiit na at nahaharap sa mabibigat na kaso ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Child Abuse. (ARNOLD PAJARON JR)
