Nakalapit na sa inaasam na PBA Finals rematch laban sa TNT ang San Miguel Beermen matapos nilang padapain ang Barangay Ginebra, 115-109, sa Game 5 ng kanilang Philippine Cup semifinals showdown nitong Miyerkules sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa pagkapanalong ito, hawak na ng Beermen ang 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven series at kailangan na lamang ng isang panalo para tuluyang selyuhan ang serye.
Bumida para sa San Miguel ang pambato nilang si June Mar Fajardo at ang sharpshooter na si Marcio Lassiter na kapwa nagpakitang-gilas sa opensa matapos ang malamig na laro noong Game 4.
Bagama’t nagtangkang humabol ang Ginebra sa huling bahagi ng laban, nanatiling matatag ang Beermen upang pigilan ang ratsada ng Gin Kings at makuha ang krusyal na panalo.
Inaasahang ibubuhos na ng San Miguel ang lahat sa darating na Game 6 sa Biyernes, na gaganapin pa rin sa Big Dome, upang tuluyang tapusin ang serye at harapin ang TNT sa championship round.
Matatandaang unang nakapasok sa Finals ang Tropang Giga matapos nilang patalsikin ang Meralco, 4-1, sa hiwalay na serye. (RON TOLENTINO)
