Matagumpay na nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang parcel na naglalaman ng hinihinalang kush, isang uri ng marijuana, na nagkakahalaga ng P1.07 milyon sa Port of Clark, Pampanga.
Ayon sa ulat ng PDEA, nadiskubre ang iligal na kontrabando nitong Miyerkules ng umaga matapos ang isinagawang routine parcel profiling.
Ang nasabing kargamento, na naglalaman ng 712 gramo ng kush, ay idineklarang “Cruxdenim Reinforced Seat Trail Jeans” at nagmula pa sa Los Angeles, California. Inihahanda na ang mga nakumpiskang ebidensya upang i-turn over sa PDEA Central Luzon para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Bukod sa kush, hinarang din ng PDEA ang iba pang mga parcel sa parehong pantalan na naglalaman ng hinihinalang hemp at morphine products.
Ang hemp products ay natuklasan noong Enero 6 mula sa Delaware, USA, kung saan nakumpiska ang 100 piraso ng gummies at mahigit 200 capsules matapos itong maamoy ng narcotics detection dog.
Samantala, nasabat din noong Enero 9 ang isang parcel mula sa England, United Kingdom na naglalaman ng morphine, isang matapang na pain reliever na klasipikado bilang mapanganib na droga dahil sa banta nito sa kalusugan at potensyal sa pang-aabuso.
Binigyang-diin ni PDEA Director-General Isagani Nerez na bagama’t ginagamit sa medisina ang morphine, maaari itong magdulot ng seryosong side effects gaya ng respiratory depression na nauuwi sa kamatayan kung hindi kontrolado.
Ang lahat ng nasabat na hemp at morphine products ay dinala na sa PDEA National Headquarters para sa kaukulang forensic examination habang patuloy ang imbestigasyon sa mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng mga ito sa bansa. (MINA PADERNA)
