BINIGYANG-DIIN ni House Public Accounts panel chairperson Terry Ridon na ituturing na prayoridad ng Mababang Kapulungan ang posibleng muling paghahain ng impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa darating na ika-6 ng Pebrero, 2026.
Ito ang petsa kung kailan legal na maaari nang magsampa muli ng reklamo matapos mapatid ang “one-year bar rule” na itinakda ng Saligang Batas.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, inamin ni Ridon na sa kasalukuyan ay tila mababa pa ang gana o “low appetite” ng mga mambabatas sa usapin ng impeachment dahil wala pa namang pormal na reklamong nakahain.
Gayunpaman, tiwala ang mambabatas mula sa Bicol Saro party-list na magbabago ang ihip ng hangin pagdating ng Pebrero.
“Pagdating ng February 6 o sa mga susunod na araw, sa tingin ko ay bibigyang-prayoridad ng mga miyembro ng Kamara kung anong aksyon ang dapat gawin sa impeachment dahil kailangan itong resolbahin ng Kongreso—maaaring aprubahan o ibasura,” ani Ridon.
Sa ngayon, nakatutok muna ang mga mambabatas sa kani-kanilang mga distrito habang naka-break ang sesyon ng Kongreso.
Samantala, naniniwala si House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng ACT Teachers party-list na hindi dapat isantabi ang panibagong impeachment complaint. Ayon kay Tinio, ang bigat ng mga akusasyon laban sa Bise Presidente ay nangangailangan ng malalimang imbestigasyon at posibleng pag-uusig.
“Kung kinurakot ’yan, dapat panagutan,” giit ni Tinio. Binigyang-diin niya na ang pananagutan ay hindi dapat nakadepende sa political convenience o sa katayuan ng mga taong dawit sa mga kontrobersya.
Matatandaang ang naunang reklamo noong nakaraang taon ay ibinasura ng Korte Suprema dahil sa paglabag sa “one-year bar rule” at sa mga karapatan sa due process ng Bise Presidente..
Dahil sa naging desisyon ng korte, nahaharap ngayon ang Kamara sa mas mahigpit na mga alituntunin sa paghahain ng impeachment.
Kabilang dito ang paglalakip ng sapat na ebidensya sa mismong reklamo, ang pagtiyak na lahat ng mambabatas ay may kopya ng dokumento, at ang pagbibigay ng pagkakataon sa Bise Presidente na masagot ang mga akusasyon bago pa man ito umakyat sa Senado.
Nanatili namang matatag ang depensa ni VP Duterte na ang lahat ng mga paratang laban sa kanya ay walang basehan at bunsod lamang ng pamumulitika ng kanyang mga katunggali. (MINA PADERNA)
