Isinagawa ng Galeries Tower Highrisers ang isa sa pinakamalaking balasahan sa kasaysayan ng PVL offseason matapos nilang opisyal na ipakilala ang 14 na bagong manlalaro na sasabak para sa 2026 season.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng halos kabuuang “roster reset” ng koponan, kung saan 13 manlalaro ang binitawan at apat na holdovers lamang ang itinira na kinabibilangan nina Julia Coronel, Jean Asis, Roselle Baliton, at Winnie Bedaña.
Sa huling batch ng mga bagong pirma na inilabas nitong Martes, pormal nang sumama sa Highrisers sina Jules Samonte, Gayle Pascual, Venice Puzon, at Maji Mangulabnan.
Ang mga nabanggit ang bubuo sa bagong mukha ng Galeries matapos magpaalam sa mga pamilyar na pangalan gaya nina Fhen Emnas, Dimdim Pacres, at ang mga lumipat sa Capital1 na sina France Ronquillo at Ysa Jimenez.
Hindi lamang ang listahan ng mga manlalaro ang nabago kundi maging ang coaching staff ng koponan. Pinalitan ng beteranong tactician na si Aying Esteban ang PVL champion coach na si Godfrey Okumu.
Kasama ni Esteban ang isang malakas na grupong may pundasyon mula sa University of Santo Tomas (UST) na kinabibilangan nina John Abella, JM Millado, Emman Dedoroy, Lorence Cruz, at physical therapist na si Migs Dizon.
Dahil sa matinding overhaul na ito, inaasahang magpapakita ng bagong sistema at mas palaban na laro ang Highrisers sa darating na kumperensya.
Ang kumbinasyon ng mga bagong talento at bihasang coaching staff ang magiging sandigan ng Galeries Tower upang umakyat sa standings at makuha ang atensyon ng mga volleyball fans sa bansa. (RON TOLENTINO)
