Umani ng batikos sa social media ang isang driver ng Partas Bus matapos ireklamo ng isang motorista dahil sa lantarang paglabag sa batas trapiko at kawalan ng konsiderasyon sa daloy ng sasakyan sa panulukan ng Hemady at E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City.
Ayon sa sumbong ng isang netizen, pilit umanong lumabas ang naturang bus galing sa Hemady Street kahit na naka-pula pa ang traffic light. Sa halip na maghintay ng tamang hudyat, hinarang umano ng dambuhalang bus ang mga sasakyang patungong Cubao upang doon na lamang maghintay ng green light sa gitna ng kalsada.
Dahil sa nasabing maniobra, pansamantalang nabulabog ang daloy ng trapiko at naperwisyo ang mga motorista na may linyang direkta sanang patungong Cubao.
“Walang konsiderasyon sa mga sasakyang papuntang Cubao, talagang hinarang ang bus para maghintay ng green light,” ayon sa galit na pahayag ng saksi sa insidente.
Kinuwestiyon din ng publiko ang kalidad ng pagsasanay at disiplina ng mga driver ng nasabing kumpanya, kung saan binigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahigpit na seminar bago isalang sa kalsada.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamunuan ng Partas Bus hinggil sa nasabing reklamo, habang hinihimok naman ang mga otoridad tulad ng MMDA at LTO na aksyunan ang mga ganitong uri ng iresponsableng pagmamaneho na nagiging sanhi ng matinding trapiko sa Metro Manila. (MINA PADERNA)
