MAYNILA, PILIPINAS, 12 ENERO 2026–Matapos ang bawas-singil sa kuryente noong nakaraang buwan, inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw ang panibagong tapyas na P0.1637 kada kWh, kaya bumaba sa P12.9508 kada kWh ang overall rate para sa isang pangkaraniwang pamilya ngayong Enero.
“Bagama’t nagkaroon ng pagtaas sa ilang gastusin nitong Enero, bumaba pa rin ang kabuuang singil sa kuryente — sa ikalawang sunod na buwan kaya naman umaasa kami na makatutulong ito sa aming mga customer sa pagsisimula ng bagong taon,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
“Para sa mga customer na may karaniwang konsumo na 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng P33 na bawas sa kanilang kabuuang bill sa kuryente ngayong buwan,” dagdag pa niya.
Mas mababang transmission charge, generation charge at iba pang singil
Ang mas mababang transmission charge ang pangunahing sanhi ng kabuuang bawas-singil ngayong Enero. Bumaba ang residential transmission rate ng P0.10 kada kWh sa P1.0368 kada kWh dulot ng mas mababang ancillary service charges na binayaran ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga Ancillary Service Procurement Agreement nito at sa Reserve Market.
Nakatulong din sa kabuuang bawas-singil ang generation charge na bumaba ng P0.0171 kada kWh bunsod ng mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga Power Supply Agreement (PSAs).
Nagtala ng P1.1898 kada kWh na tapyas sa singil mula sa WESM dahil sa mas bumuting supply situation sa Luzon Grid, habang nabawasan naman nag P0.0516 kada kWh ang singil mula sa mga PSA dahil sa balikoperasyon ng planta ng San Buenaventura Power Ltd. Co. (SBPL) kasunod ng scheduled outage nito noong nakaraang buwan.
Samantala, tumaas ang singil mula sa mga Independent Power Producer (IPPs) ng P1.4879 kada kWh dahil sa mas mataas na fixed fees ng Sta. Rita matapos kumpirmahin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang komputasyon ng First Gas Power Corp. sa ilalim ng interim extension contract nito sa Meralco. Nakaapekto rin dito ang paghina ng Piso kontra dolyar dahil nasa 99% ng mga IPP cost ay dollar denominated.
Pinunan ng WESM, PSAs, at IPPs ang 7%, 71%, at 22% ng kabuuang energy requirement ng Meralco para sa nasabing panahon.
Dagdag pa rito, nakatulong rin sa kabuuang bawas-singil ang P0.0837 kada kWh na pangkahalatang tapyas sa buwis at iba pang singil.
Koleksyon para sa bagong renewable energy subsidy
Nagawang tabunan ng pagbaba sa transmission, generation at iba pang charges ang koleksyon ng P0.0371 kada kWh na Green Energy Auction Allowance (GEA-All) na nagsimula na ngayong buwan alinsunod sa direktiba ng ERC.
Ang GEA-All na ipapataw sa lahat ng on-grid end-users upang mapunan ang kabuuang bayad sa mga GEAeligible na planta ay ire-remit sa National Transmission Corporation (TransCo).
Ang mga pass-through charge ng generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator habang ang buwis, universal charges, at ang Feed-in Tariff Allowance ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Babala laban sa pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente
Muli namang nagpaalala ang Meralco tungkol sa panganib na dulot ng pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente, gaya ng kable, matapos ang isang insidente sa Quezon City na nagdulot ng pansamantalang antala sa serbisyo ng kuryente sa halos 8,000 customer.
Nagtamo ang suspek ng malubhang pinsala sa katawan matapos makuryente, habang naibalik naman ang serbisyo makalipas ang apat (4) na oras matapos ang agarang pagresponde ng mga crew ng Meralco upang maayos ang mga naapektuhang linya.
“Patunay ang insidenteng ito sa matinding panganib na dulot ng pagnanakaw ng mga kable at pasilidad ng kuryente. Bukod sa perwisyo sa komunidad dahil sa pagkaantala ng serbisyo, napaka-delikado ng mga ganitong gawain dahil mataas ang boltahe ng aming mga pasilidad na maaaring maging sanhi ng pagkakuryente, matinding pinsala sa katawan o kaya naman ay pagkamatay,” ani Froilan J. Savet, Senior Vice President at Head ng Networks ng Meralco.
“Muli kaming nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahinahinalang aktibidad na may kinalaman sa mga pasilidad ng Meralco,” dagdag pa niya.
Noong 2025, nakapagtala ang Meralco ng 285 na insidente ng pagnanakaw ng mga pasilidad nito kabilang na ang mga kable ng kuryente. Apat (4) sa mga insidenteng ito ay nagresulta sa aksidente o pinsala sa katawan.
Pinapaalala rin ng Meralco na ang pagnanakaw ng kable ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya ay labag sa Republic Act No. 7832 o Anti Electricity Pilferage Act, na may kaukulang parusa ng pagkakakulong at multa.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng
MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211. (MINA PADERNA)
