Target ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na maging mas produktibo at moderno ang serbisyo ng ahensya ngayong 2026 sa pamamagitan ng malawakang digital transformation.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at gabay ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, tinatapos na ng LTFRB ang mga proseso para sa isang major digital shift. Layunin nito na gawing online ang lahat ng aplikasyon, petisyon, at iba pang transaksyon sa ahensya.
Ayon kay Chairperson Mendoza, ang paglipat sa digital system ay tugon sa batas na Ease of Doing Business. Dahil direct at fast na ang mga online transactions, mawawala na ang puwang para sa mga fixer.
“Once we complete this transformation, we will also be able to address the perennial problem of fixers because online transactions will be direct, fast, comfortable and with less human intervention,” ani Mendoza.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat mapag-iwanan ang sistema ng LTFRB habang isinusulong ang Public Transportation Modernization Program (PTMP). Sa kasalukuyan, nasa yugto na ang PTMP ng route rationalization at fleet modernization.
“Hindi naman magandang tingnan na ang pinag-uusapan natin ay public transportation modernization pero makaluma pa ring sistema ang ginagamit sa LTFRB,” paliwanag ni Mendoza.
Kasalukuyan nang isinasaayos ng LTFRB ang kanilang online platform upang maging mas user-friendly.
Kabilang sa mga prayoridad ang online verification para sa mga Certificate of Public Convenience (CPC) at Provisional Authority (PA), gayundin ang mablis na releasing sa pamamagitan ng pagpapaba sa oras ng pagproseo at pag-apruba ng mga permit para sa Public Utility Vehicles (PUVs).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda ng LTFRB para sa “future generations” ng mga Pilipino na mas bihasa na sa paggamit ng teknolohiya. (MINA PADERNA)
