Isang malaking sindikato ng korapsyon sa loob ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ibinunyag ni Interior Secretary Jonvic Remulla matapos masangkot ang dalawang mataas na opisyal sa P30 milyong kickback scheme.
Ang naturang mga opisyal, na tinanggal na sa kanilang mga pwesto, ay hinihinalang nagmaniobra sa presyo ng mga fire extinguisher at ginamit ang nakurakot na pera para sa isang condominium project.
Ayon kay Remulla, talamak ang raket kung saan ibinebenta ang mga life-saving equipment sa presyong tatlong beses na mas mataas kaysa sa orihinal na halaga nito.
Bukod sa overpriced na kagamitan, ibinunyag din ang “forced commission” scheme kung saan pinipilit ng mga inspector ang mga business owner na kumuha ng kanilang “preferred contractors” para sa pagkakabit ng mga sprinkler system.
“Ang BFP ang pinakamakurakot na attached agency ng DILG,” matapang na pahayag ni Remulla kamakailan.
Bilang tugon sa talamak na extortion, ipag-uutos na ang paggamit ng body-worn cameras para sa lahat ng mga inspector ng BFP. Layunin nito na bantayan ang bawat galaw ng mga opisyal at maiwasan ang hingian ng lagay sa gitna ng mga inspeksyon. (BOYET BARBA JR)
