PDIC
Nanawagan ang koalisyong 1Sambayan kay Finance Secretary Frederick Go at sa National Treasury na ibalik ang P107.23 bilyong “excess funds” na kinuha mula sa Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC.
Ang naturang pondo ay inilipat noong Enero 2025 sa ilalim ng isang espesyal na probisyon ng 2024 General Appropriations Act, na siya ring ginamit na basehan sa kontrobersyal na paglilipat ng P60 bilyon mula naman sa PhilHealth.
Binigyang-diin ng 1Sambayan na hindi na maaaring gamiting awtoridad ang nasabing probisyon at ang DOF Circular No. 003-2024 dahil idineklara na ng Korte Suprema na labag ito sa Saligang Batas.
Ayon sa grupo, dahil sa desisyon ng mataas na hukuman, wala nang legal na lakas ang gobyerno na hugutin ang pondo ng mga government-owned or controlled corporations para ilipat sa kaban ng bayan.
Sinabi ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, na tumatayong lead convener ng koalisyon, ang pondo ay napunta sa iba’t ibang proyekto tulad ng Metro Manila Subway at mga flood control projects.
Kasama rin sa pinaglalaanan nito ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, na umani ng kritisismo dahil sa posibilidad na magamit ito sa political patronage.
Dahil sa malaking remittance na ito, kapansin-pansing bumaba ang kabuuang assets ng PDIC mula sa P339.6 bilyon noong 2023 patungong P278 bilyon sa pagtatapos ng 2024.
Sa kabila ng bilyon-bilyong nabawas sa kaban ng ahensya, tiniyak naman ni PDIC President Roberto Tan na nananatiling matatag ang kanilang Deposit Insurance Fund upang protektahan ang mga depositor at kayang tugunan ang anumang banta sa sistema ng pagbabangko sa bansa.
