Hindi basta-bata ang gagawing imbestigasyon ng Iloilo City Police sa pagkamatay ni Dueñas Vice Mayor Aimee Paz Lamasan, matapos ipag-utos ang pagsasailalim sa paraffin test sa kaniyang live-in partner.
Ang partner ni Lamasan, na isang dating regional director ng Office of Civil Defense (OCD) sa Eastern Visayas, ang tanging kasama ng biktima sa loob ng kanilang bahay sa La Paz nang maganap ang madugong insidente noong Disyembre 30.
Batay sa unang report, nag-aayos umano ng gamit ang bise mayor nang tangkaing itabi ang isang 9mm pistol. Pero bigla umanong pumutok ang baril at tinamaan ang bise mayor sa tiyan. Bagama’t naisugod pa sa ospital, tuluyan itong nalagutan ng hininga kinabukasan.
Ayon kay Iloilo City Police Chief Captain Jeffrey Delgado, “standard procedure” ang pag-request ng paraffin test para malaman kung may bakas ng pulbura ang mga kamay ng partner nito.
“Nagpadala na kami ng request para sa paraffin test sa partner ng vice mayor. Isa iyan sa mga kailangan naming gawin,” ani Delgado. Nilinaw naman ng pulisya na wala pang pinal na konklusyon at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Binalot ng lungkot ang pamilya at mga taga-Dueñas sa sinapit ng opisyal. Ayon sa tita ng biktima na si dating Vice Mayor Merloi Lamasan Piccio, masakit para sa kanila na sa pagsalubong pa ng New Year nangyari ang trahedya.
Maging si Mayor Robert Martin Pama ay emosyonal sa pagkawala ng kaniyang bise mayor na itinuturing niyang “parang kapatid.” Nagpaabot din ng pakikiramay si Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron.
Bagama’t itinuturing na aksidente, iginiit ng mga otoridad na hindi basta-basta pumuputok ang baril nang walang humihila sa kalabit. Dahil dito, mahalaga ang forensic evidence at transparency sa kaso upang matiyak na walang “special treatment” kahit pa mga bigating opisyal ang sangkot sa insidente.
