Tahasang kinuwestiyon ng Palasyo ang kredibilidad ng mga alegasyong inilabas ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng bilyun-bilyong pisong “budget insertions” sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang pahayag, binira ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang neophyte congressman sa paglalabas ng mga impormasyong nakabatay lamang umano sa “hearsay” o sabi-sabi. Ito ay matapos idawit ni Leviste ang ilang mga Cabinet secretaries bilang mga proponent ng mga kuwestiyonableng proyekto.
“Ang Palasyo ay tutugon lamang sa mga dokumentong dumaan sa authentication ng DPWH,” ani Castro. “Maliban dito, ang lahat ay ituturing na hearsay o tsismis na walang anumang probative value.”
Naging punto rin ng kritisismo ang tiyempo ng paglalabas ng impormasyon ni Leviste. Ayon sa mambabatas, ang mga dokumento ay ibinigay sa kanya noong Setyembre 4 ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Kapansin-pansin na inilabas lamang ni Leviste ang listahan matapos pumanaw si Cabral, dahilan upang bansagan ito ng Palasyo na isang testimonya mula sa taong hindi na makakapagsalita o makakapagkumpirma sa katotohanan.
Sa isang Facebook post, iginiit ni Leviste na ang mga file ay naipakita na sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman nitong nakaraang buwan. Ayon sa kanya, nakasaad sa dokumento ang P401.3 bilyon na allocable budget para sa mga piling congressional districts at P1.041 trilyon na kabuuang halaga kung isasama ang “outside allocable” para sa flood control at iba pang DPWH projects sa buong bansa.
Sa kabila ng kanyang mga pasabog, tumanggi si Leviste na direktang ilabas sa publiko ang mga hawak na dokumento upang hindi raw makompromiso ang kanyang trabaho sa lehislatura.
“Mas gusto ko na ang DPWH na lamang ang magdesisyon kung ilalabas nila ang mga files na ito sa publiko,” pahayag ng mambabatas, isang hirit na tila nagpasa ng bola sa ahensya.
