REHAS na bakal ang kinasadlakan ng dalawang lalaki nang maaktuhan ng pulisya na sumisinghot umano ng shabu sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek na sina alyas “Erwin”, 30, at alyas “Kervin”, 22, kapawa ng Morning Ville, Brgy., Canumay West.
Batay sa ulat, nakatanggap ng SMS complaint mula sa isang concerned citizen Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Sherwin Dascil na sangkot umano sa illegal drug activities ang mga suspek.
Kaagad nagdispatch si Lt. Dascil ng kanyang mga tauhan sa nasabing lugar at naaktuhan ng mga ito ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng kanilang bahay dakong 1:00 ng madaling araw na dahilan ng pagkakaaresto sa kanila.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang unsealed plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)
