CT/SSUPT Noel M. Marquez
Pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang panunumpa at pagpapatibay ng promosyon ng siyam na opisyal ng kawanihan nitong Sabado ng hapon sa New Conference Room sa Muntinlupa City.
Ang naturang seremonya ay bahagi ng pagkilala sa dedikasyon at propesyonalismong ipinamalas ng mga opisyal sa kanilang tungkulin sa loob ng ahensya.
Pitong opisyal ang na-promote mula sa ranggong Corrections Superintendent (C/SUPT) tungo sa Corrections Senior Superintendent (C/SSUPT). Kabilang sa mga itinaas ng ranggo sina C/SSUPTs Raul P. Levita, Gary Garcia, Lucio Guevarra, Roger Boncales, Ruben Formoso, Alfredo Devanadera Jr., at Eduardo Gogorza.
Dalawa naman mula sa technical service — sina Marjorie Ann P. Sanidad at Noel M. Marquez — ang umangat mula CT/SUPT patungong CT/SSUPT, na itinuturing na mahalagang yugto sa kanilang propesyonal na karera.

Sa kanyang talumpati, binati ni DG Catapang ang mga opisyal at binigyang-diin na ang promosyong ito ay bunga ng kanilang pagsisikap at katapatan sa serbisyo.
“Inyong sandali ito, ngunit ito rin ay tawag para sa ating lahat—na ipagpatuloy ang pagtahak sa kahusayan, pagtutulungan, at pagbuo ng isang kapaligiran kung saan ang bawat isa ay maaaring umunlad,” ani Catapang.
Dagdag pa ng Director General, ang tagumpay ng mga opisyal ay hindi lamang pansarili kundi malaking kontribusyon sa mas malawak na misyon ng BuCor para sa rehabilitation at reintegration ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa sistema ng hustisya.
Hinimok din ni Catapang ang patuloy na pagsasanay at development para sa lahat ng mga tauhan ng kawanihan upang magbukas ng pinto para sa mga susunod pang promosyon at mapanatili ang kultura ng “excellence” sa loob ng Bureau of Corrections. (MINA PADERNA)
