QUEZON CITY — Mas maliwanag ang Pasko para sa 432 low-income households sa Quezon City matapos silang mabigyan ng ligtas at legal na kuryente ng One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social responsibility arm ng Manuel V. Pangilinan-led Manila Electric Company (Meralco).
Pinangunahan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Meralco Head of Customer Retail Services Charina P. Padua, at OMF President Jeffrey O. Tarayao ang lighting ceremony bilang hudyat ng pagkakakuryente ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Household Electrification Program ng OMF.
Ayon kay Mayor Belmonte, ang pagkakaroon ng kuryente ay hindi lamang simbolo ng kaunlaran kundi isang mahalagang karapatang pantao. “Napakahalaga ng Household Electrification Program ng Meralco sa amin. Isa itong malaking hakbang hindi lang para sa mga pamilyang direktang makikinabang, kundi para rin sa mas malawak naming layunin na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Quezon City,” pahayag ng alkalde sa Filipino.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga residente ng Barangays South Triangle at Escopa 3, 185 West Riverside, 24 F. Carlos, Sitio Militar, K-9 Compound, Greenland at Tumana. Bago ang programa, umaasa lamang ang mga ito sa submetering o pakiki-kabit sa linya ng kapitbahay—isang delikado at ilegal na paraan ng pagkuha ng kuryente.
“Ang mga pamilyang dati’y umaasa sa hindi ligtas na koneksyon o wala talagang kuryente ay mayroon na ngayong maaasahan, ligtas, at legal na suplay ng elektrisidad,” ayon kay Padua. “Patuloy ang aming pakikipagtulungan sa OMF at sa pamahalaang lungsod ng Quezon City upang maabot pa ang mas marami pang nangangailangang pamilya.”
Naging posible ang proyekto sa tulong ng pakikipag-ugnayan ng OMF, Meralco Kamuning-Roosevelt, Commonwealth-Balintawak at Novaliches Business Centers, Meralco Balintawak, Pasig at Valenzuela Sectors, at ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Sa kabuuan, mahigit 80,000 low-income households na ang nabigyan ng kuryente ng OMF sa buong bansa, bilang suporta sa target ng pambansang pamahalaan na makamit ang 100% household electrification pagsapit ng 2028.
“Sa diwa ng bayanihan, patuloy naming ikinakalat ang liwanag upang mas marami pang pamilya ang magkaroon ng mas maliwanag na Pasko. Sa bawat tahanang nabibigyan ng kuryente, mas napapalapit tayo sa layuning walang Pilipinong maiiwan sa dilim,” pahayag ni Tarayao. (Mina Paderna)
