Ibinunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Sabado, Disyembre 20, na may mga lumapit sa kanya at nagsabing patuloy umanong nananakot at nambu-blackmail ang contractor spouses na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya laban sa kanilang mga dating empleyado na maaaring tumestigo sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Sotto ang kanyang reaksiyon sa pagkakaaresto kay Sarah Discaya, na nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y P96.5 million “ghost” flood control project sa Davao Occidental. Ang kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman noong 2022 laban kay Discaya at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, si Curlee Discaya ay kasalukuyang naka-detain sa Senado matapos ma-cite in contempt.
Ayon kay Sotto, ang pinakamainam sanang gawin ng mag-asawa ay magnilay, magkaroon ng konsensiya, at magsisi, ngunit base sa kanyang obserbasyon, tila kabaligtaran umano ang nangyayari.
“Ilan na rin ang nagkuwento sa akin na tinatakot pa rin nila ang mga dati nilang empleyado para hindi tumestigo laban sa kanila. Blackmail,” pahayag ni Sotto.
Dagdag pa ng alkalde, may dalawang kongresista umanong nagsabi sa kanya, na hindi na niya pinangalanan, na humihingi umano ng pera ang mag-asawang Discaya kapalit ng hindi pagsasama ng mga pangalan sa isang tinatawag na “ledger.”
“Gumagawa pa rin sila ng kasamaan. Dalawang congressman na ang nagkuwento sa akin na humihingi sila ng pera—cash kapalit ng hindi pagsama sa listahan o doon sa ‘ledger,’” ani Sotto.
Nitong Sabado rin ay inilipat si Sarah Discaya sa Cebu, alinsunod sa mga warrant of arrest na inilabas ng Lapu-Lapu City Regional Trial Court Branch 27. Ipinaliwanag na ang paglilipat ay alinsunod sa proseso dahil ang mga kasong graft ay nira-raffle sa mga itinalagang korte.
Binigyang-diin ni Sotto na bagama’t mahalagang hakbang ang pagkakaaresto kay Discaya, hindi ito sapat.
“Magandang simula ito, pero mas marami pang dapat managot,” ani ng alkalde.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng mga alegasyon.
