Photo credit: Malabon City Government
NAWALAN ng tirahan ang may 133 pamilya matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay sa naganap na sunog sa Malabon City, Sabado ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, Sabado ng gabi nang sumiklab ang sunog sa Sto. Niño Barangay Concepcion, na mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing mga kabahayan.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga fire volunteer na nagtulong-tulong sa pag-apula sa sunog hanggang tuluyang idineklarang fireout.
Wala namang napaulat na nasawi sa insidente habang inaalam pa ng mga Arson investigator ang naging sanhi ng sunog at kung magkanong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Kaagad namang nagtungo sa lugar ang Malabon City Disaster Response Team at City Social Welfare and Development Department (CSWDD) upang magbigay ng agarang tulong, kabilang ang relief assistance, psychosocial support, at iba pang kinakailangang serbisyo para sa mga apektadong residente.
Pansamantala tumutuloy sa apat na evacuation centers ang mga nasunugan kabilang 59 pamilya sa Concepcion Elem School, 30 pamilya sa Amang Rodriguez Elementary School, 29 pamilya sa Concepcion Technical Vocation School at 15 pamilya sa Sto. Niño Multipurpose Hall.
Personal din na nagtungo sa mga evacuation center si Mayor Jeannie Sandoval upang kamustahin ang mga apektadong pamilya saka namahagi siya ng mga hot meals at banig.
Aniya, asahan pa ang mga karagdagang serbisyo at tulong mula sa lokal na pamahalaan sa mga susunod na araw. “Hanggat nandito kayo sa evacuation center hindi namin kayo pababayaan” pahayag ni Mayor Sandoval.
Pinasalamatan din ni Mayor Jeannie ang mga first responders mula sa BFP, City Social Welfare Department, Philippine National Police, Malabon Disaster Risk Reduction Management Office at Philippine Red Cross sa maagap at ligtas na pagresponde sa nangyaring sunog. (JUVY LUCERO)
