HINIMOK muli ni Navotas Congressman Toby Tiangco ang Kamara na i-post sa opisyal nitong website ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kada congressional district, pati na rin ang mga proyektong ineendorso ng mga kinatawan ng party-list.
“Dapat magkaalaman na. Ang tagal na nating hinihingi na i-publish sa website ng Kongreso ang budget per congressional district, kasama na ang mga proyektong inendorso ng party-list. Simpleng transparency lang ito. Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan, kaya dapat malinaw kung sino ang naglalagay ng ano,” aniya.
Ginawa ni Tiangco ang pahayag matapos aprubahan ng bicameral conference committee (bicam) ang P529.6 bilyong badyet para sa DPWH.
Aniya, matagal nang dapat ibunyag ang buong detalye at ang paglalathala ng mga detalyeng ito upang mapadali para sa ehekutibo na pag-aralan at suriin ang mga iminungkahing proyekto.
“Nakita naman natin sa bicam na may mga issue pagdating sa budget ng DPWH, kaya dapat ilatahala ang naging resulta ng bicam. Publishing the list of projects and their proponents will help the public know who is adding what and why. It will also help the executive evaluate which projects are acceptable and which should be vetoed,” dagdag niya.
Binanggit ni Tiangco na noong 2025 bicam, tatlong party-list groups ang nagsingit ng bilyun-bilyong piso sa mga proyekto—ang Tingog, Ako Bicol, at BHW.
“Topnotcher ang Tingog Party-list with P5.96 billion in insertions in the 2025 budget. Sumunod ang Ako Bicol with P2.295 billion at BHW with P2.064 billion. Simple lang ang tanong natin: bakit ganito kalaki ang insertions nila? Insertions palang nila yan ‘nong bicam for the 2025 budget. Hindi pa kasama yung budget nila sa NEP. Anong meron sa mga partylist na ito kung bakit ang proyekto ng mga Distrito ay dapat dumaan sa kanila? Kaya mahalaga, hindi lang ‘yong budget ng bawat Distrito kundi pati na rin ang budget ng bawat partylist at saan ito dinala,” ani Tiangco.
Sinabi ni Tiangco na ang paglalathala ng badyet at project proponents sa website ng Kongreso ay isang pangunahing pananggalang laban sa korapsyon at isang kinakailangang hakbang upang matiyak ang accountability.
“Mainit ang usapin ng korapsyon ngayon. Kung malinis ang intensyon natin, wala dapat ikatakot. I-post natin lahat habang may panahon pang itama ang mga mali. Ito ang pinakamadaling paraan para patunayang walang bahid ng korapsyon ang 2026 budget,” giit niya.
Ayon kay Tiangco, noong October pa niya hiniling na mailathala ang impormasyon sa website ng Kamara ngunit sa ngayon ay wala pang nai-post.
Dagdag niya, sumulat din siya sa pinuno ng House Appropriations Committee at Kinatawan ng Nueva Ecija na si Mikaela Suansing noong Oktubre 20 ngunit hindi pa siya nakatanggap ng tugon.
“October 13 pa natin nirequest na ilabas ito sa website. Kung wala tayong tinatago, bakit hindi maipost? Trabaho nating depensahan ang mga proyektong inihahain natin. Pera ng taumbayan ito, at may karapatan silang malaman kung saan ito napupunta,” diin niya.
Nauna nang hinamon ni Tiangco ang Kongreso na i-post sa website nito ang mga alokasyon ng badyet ng DPWH para sa mga kinatawan ng party-list upang maiwasan ang pag-ulit ng kontrobersyal na 2025 General Appropriations Act (GAA) sa ilalim ng dating pinuno ng Appropriations Committee—at ngayon ay nagbitiw na sa pwesto bilang Kinatawan ng Ako Bicol—Elizaldy Co.
Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang warrant of arrest ang inilabas laban kay Co at 17 iba pa, at ang Tanggapan ng Ombudsman ay nagsampa ng pormal na mga kaso batay sa ebidensyang isinumite ng DPWH at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Humiling din ang National Bureau of Investigation ng red notice ng Interpol upang makatulong sa pag-aresto sa kanya. (JUVY LUCERO)
