Kahit maraming kontrobersiya at alegasyon ng “ghost projects” sa bansa, tuloy ang 365-hektaryang reclamation project sa Pasay.
Ayon sa mga opisyal, aabot sa halos P1 trilyon ang agarang economic value mula sa proyekto, at tinatayang umabot pa sa trilyones ang long-term revenue. Edi wow!
Pinapakita ng proyekto ang sinseridad ng Pangulo na ayusin ang matagal nang problema sa imprastraktura. Ang lahat ay isinasagawa alinsunod sa technical at environmental standards.
Ang pinakamagandang balita pa rito mga ka-Berdugo, walang gastos na manggagaling sa kaban ng bayan.
Ayon sa konserbatibong pagtataya, aabot sa P330 bilyon ang posibleng economic potential ng lupa, na bukod sa kita, magbubukas ng puwang para sa bagong economic zones, pabahay, at commercial hubs.
Maaaring makatulong ito upang maibsan ang grabeng siksikan sa Metro Manila at lumikha ng maraming trabaho.
Hindi lang lupa ang hatid ng proyekto. Kasama rito ang 88 kilometro ng kalsada, 102 drainage systems, at 15 tulay. Lahat idinisenyo para kayanin ang baha at iba pang banta ng klima. Sa bansang isa sa pinaka-bulnerable sa sakuna, hindi luho kundi pangangailangan ang resilient na imprastraktura.
Mahalaga rin ang papel ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa pagpapatupad ng proyektong ito. Sa ilalim ni Chairman Alex Lopez, ipinapakita ng ahensya na puwedeng maging disiplinado, transparent, at teknikal ang malalaking proyekto. Ang pagbubukas sa pagsusuri at monitoring ay hindi sagabal kundi pananggalang laban sa nakaraang pagkakamali.
Sa ground level, may pag-asa ang mga residente at negosyante. Pagkatapos ng taon-taong baha at trapik, ang libreng imprastraktura ay nagbibigay ng konkretong pagbabago sa pang-araw-araw.
Pero paalala rin ng civil society groups na dapat may malinaw na kontrata, mahigpit na monitoring, at tapat na implementasyon.
Mula sa economic perspective, malayo ang mararating ng benepisyo. Sa trabaho, negosyo, at pabahay lahat po ay puwedeng tumaas ang epekto sa ekonomiya.
Pero paalala ng mga eksperto sa kapaligiran, mahalaga ang tamang implementasyon. Ang mitigation ng baha at ecological safeguards ay dapat hindi lang pangako, kundi tunay na isinasagawa.
Kung maisasagawa nang tapat ang proyekto, puwede nitong baguhin ang mukha ng infrastructure sa bansa—mula sa palaging pagkabigo tungo sa tunay na pakinabang para sa lahat at hindi sa bulsa ng iilan. Mismo!
***
(Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com)
