Nadakip ng pulisya nitong Biyernes, Disyembre 12, 2025 ang isang 81-anyos na lalaking pumatay sa kanyang asawa sa kanilang bahay sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal.
Ayon sa ulat, kinilala ang suspek na si alyas Jaime, ng No. 027 Gloria Street, Marick Subdivision sa nasabing lugar.
Nabatid na naganap ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling araw nang magising ang kanilang anak na natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay matapos marinig ang kanyang ina na si alyas Marieta na sumisigaw para humingi ng tulong.
Agad siyang bumaba ng bahay at bumungad sa kanya ang kanyang ina na may saksak sa leeg habang hawak-hawak naman ng suspek ang kutsilyo na ginamit sa krimen.
Dahil dito, mabilis siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng kanyang ama.
Nakapiit na ngayon ang suspek sa Cainta Municipal Police Station at nahaharap sa kasong parricide.
Samantala, ayon kay Cainta Chief of Police PltCol Alfredo Lim sa isang text message, tila nagdadalawang-isip umanong ituloy ng mga anak ang kaso dahil sa katandaan ng suspek. (Arnold Pajaron Jr)
