Inihayag ni BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac na sisimulan ng bureau ang deportation proceedings laban sa importer ng sasakyan ng Discaya. (JERRY S. TAN)
Magsasampa na ng deportation case ang Bureau of Immigration (BI) laban sa dayuhang importer ng luxury vehicles nina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya, na iniimbestigahan sa multi-bilyong flood control program scandal.
Ito ang ibinunyag ni BI Deputy Spokesman Melvin Mabulac sa year-end conference ng ahensya, kung saan inihayag niyang kasalukuyang naka-detine si Cao Cheng, 41, sa Special Operations Division ng Highway Patrol Group (HPG) sa Camp Crame.
Ililipat umano si Cao sa pasilidad ng BI sa Taguig matapos ang inquest proceedings at medical examination.
Ayon kay Mabulac, nakatanggap sila ng impormasyon mula kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao na nauna nang naaresto si Cao noong Nobyembre 27 sa Makati.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa kanya ang obstruction of apprehension, illegal use of alias, false representation, at willful misrepresentation.
Nadiskubre sa mga dokumento na gumamit si Cao ng alyas na “Martin Zhao” sa mga rekord ng LTO. Dahil dito, sinabi ng BI na may kinakaharap na kaso ang banyaga, at kapag napatunayang guilty, agad siyang ide-deport at isasama sa blacklist.
Dagdag pa ng BI, si Cao, na sinasabing may-ari ng ACH High-End Motor Center, ay isang foreign national na binago ang pagkakilanlan at itinuturing na “undesirable alien” na walang karapatang manatili sa bansa. (Arsenio Tan)
