NAGING matagumpay ang pasinaya ng eksibisyong Kislap Diwa 2: 12 Pagtatagpo ng Gunita sa Pamanang Pambansa noong 29 Nobyembre 2025 Sabado sa pagtutulungan ng Tanggapan ni Senador Loren Legarda, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Pambansang Museo ng Pilipinas (NMP), at ng Society for Strategic Education Studies (S4SES).

Ang Kislap Diwa ay proyekto ng malikhaing ideya ni Senador Legarda (isinilang 1960) at ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Virgilio S. Almario (isinilang 1944). Nagsimula ang nasabing proyekto noong Disyembre 2024 at nagtagal hanggang Pebrero 2025 sa pagpili ng labindalawang (12) mga makata at labindalawang (12) mga manlilikha upang maitanghal ang mga bagay noong panahong pre-kolonyal.
Ngayong taon ay tampok sa eksibisyon ang labindalawang (12) alagad ng sining biswal at labindalawang (12) alagad ng panitikan at kanilang mga likhang hango mula sa mga piling pamanang pangkultura ng Pilipinas kabilang na ang mga epiko, katutubong sayaw, mahahalagang yamang-likas, ritwal, at iba pa. Ang eksibisyon ay naglalayong maipamalas ang matingkad na bunga ng ugnayan ng mga makata at manlilikha at maibahagi sa publiko ang kahalagahan ng mga pamanang pangkultura bilang bukal at batis ng inspirasyong pansining at pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Ang pasinaya ay pinangunahan nina Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining; Bernan Joseph Corpuz, Deputy Executive Director; Renee Talavera, NCCA Program Management Division Chief; Arvin Manuel Villalon, Acting Deputy Director-General for Museums ng NMP; at Jeremy Barna, Director-General ng NMP.
Matutunghayan ng publiko ang eksibisyon ng LIBRE hanggang 28 Pebrero 2026 Sabado na matatagpuan sa Courtyard Gallery ng National Museum of Anthropology. Bukas araw-araw mula 09:00 umaga hanggang 06:00 gabi.
