SHOOT sa hoyo ang isang bebot na wanted sa kaso ng qualified theft matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kabilang ang 28-anyos na akusadong si alyas “Ligaya” sa talaan ng mga most wanted person sa Valenzuela City Police.
Noong October 23, 2025 nang maglabas ang Valenzuela City Regional Trail Court (RTC) Branch 284 ng arrest warrant laban sa akusado para sa kasong Qualified Theft under Art. 310 in relation to Art. 309 of the RPC (2 counts).
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Ugong Police Sub-Station 8 Commander P/Capt. Manuel Cristobal hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad silang nagsagawa ng manhunt operation laban dito.
Dakong alas-4:50 ng hapon nang tuluyang masilo nina Capt. Cristobal ang akusado sa Brgy., Karuhatan ng lungsod.
Ayon kay Capt. Cristobal, inaresto ang akusado sa bisa ng nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na P80,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment mula sa korte. (JUVY LUCERO)
