Sanay man ang Pilipinas sa bagyo, baha, at sakuna, may mas tahimik na unos na umiikot ngayon sa bawat komunidad, ang krisis sa mental health ng kabataan at ang patuloy na pagguho ng tiwala sa mga institusyon dahil sa umano’y katiwalian sa flood control projects.
Habang dumarami ang kabataang nalulugmok sa depresyon, anxiety, at matinding pressure sa buhay, lumulutang ang isang masakit na tanong na paano sila magtataguyod kung mismong sistemang dapat nagpoprotekta sa kanila ay tila pumapalya?
Sa iba’t ibang rehiyon, tumataas ang alarma sa kalusugan ng isip. Marami ang nabibigatan sa trauma, problema sa pera, expectation ng lipunan at pakiramdam nilang wala silang masasandalan.
Kasabay nito, umiigting ang alegasyon ng katiwalian sa flood control projects. Mga proyektong milyon-milyon ang pondo, pero bigla na lang nawawala, hindi natatapos, o ’di kaya’y “ghost projects” na lamang. Kapag tumaas ang tubig, ilang istruktura ang bumibigay, hindi dahil sa bagyo, kundi dahil sa bulok na sistema.
“Kapag bumabagsak ang imprastraktura, bumabagsak din ang tiwala,” ayon sa ilang civic groups. At sa bawat kabataang nakakakita nito, lalo pang lumulubog ang pag-asa sa hinaharap.
Sa gitna ng climate change, lumalalang ekonomiya, at sunod-sunod na sakuna, pakiramdam ng iba na “walang kumakampi” sa kanila. At kung ang gobyerno, civil society groups, at pribadong sektor ay hindi magkakasabay na kikilos, lalong mapupunit ang social safety net na kanilang ipinagmamalaki.
Panawagan ngayon ng mga eksperto na ituring ang mental health na parang infrastructure. Dapat matatag, may suporta, at hindi maaaring pabayaan. Gayundin, ang paggastos ng gobyerno sa public service ay dapat ituring na moral obligation, hindi pinggang puwedeng sirain at paghatian.
“Hindi lang pader at dike ang kailangang buuin—tiwala,” giit nila. “Dahil kapag wasak ang tiwala, wasak ang kinabukasan.”
Sa mga kabataang nakakaramdam ng pagkalunod sa pressure ng buhay, mensahe ng ilang advocates: “Hindi kayo nag-iisa. Ang bigat ay totoo. Pero dapat mas malakas ang sagot ng lipunan.”
At kung dumating man ang susunod na baha, pisikal man o emosyonal, ang tunay na trahedya ay hindi ang pagtaas ng tubig, kundi kung hayaan nating tangayin ang paniniwala sa hustisya, seguridad, at pagkakaisa.
At ’yan ang hindi dapat payagang mangyari.
