LAS PIÑAS CITY — Sa gitna ng patuloy na imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa ilang flood control projects sa bansa, ibinulgar ni Las Piñas Representative Mark Anthony Santos na ilang ari-arian ng pamilya Villar umano ang nakinabang sa mga proyektong imprastruktura ng gobyerno sa lungsod, kabilang na ang kontrobersyal na Zapote River Drive Project.
Ayon kay Santos, matagal na niyang isinusulong ang pagsisiyasat sa nasabing proyekto dahil tila hindi ito nakatulong sa paglutas ng baha kundi mas lalo pa raw itong nagbigay benepisyo sa mga pribadong ari-arian ng pamilya ng dating senador Manny Villar at misis nitong si dating Senadora Cynthia Villar.
“May mga kalsadang itinayo sa ibabaw ng mga creek papunta sa kanilang mga establisimyento at subdivision,” ani Santos.
“Ang lupang dati’y nasa halagang P2,000 hanggang P3,000 bawat metro kuwadrado, kapag nilagyan mo ng kalsada at tulay papunta sa siyudad, tiyak na tataas ang halaga nito,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinakita ni Santos sa kanyang ulat ang bahagi ng Zapote River Drive kung saan matatagpuan ang isang village na pagmamay-ari rin umano ng mga Villar. Ayon sa kanya, ang ilog na dating malapad ay lumiit dahil sa pagtatayo ng kalsada sa gilid nito, dahilan upang hindi ito epektibong makapigil ng baha.
“Itong lugar na kinatatayuan natin, dati ay ilog ito. Ngayon, masikip na dahil sa kalsadang itinayo. Kaya noong Hulyo, nang bumuhos ang malakas na ulan dulot ng habagat, lubog na naman sa baha ang lugar,” aniya.
Dagdag pa ng kongresista, lumampas umano sa itinakdang sukat ng easement ang proyekto.
“Sa batas, tatlong metro lang ang puwedeng easement para sa paglilinis ng mga ilog sa urban areas. Pero dito, umabot sa walo hanggang sampung metro,” paliwanag niya.
Tiniyak ni Santos na makikipagtulungan siya sa Office of the Ombudsman at sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa gagawing imbestigasyon hinggil sa proyekto, na pinaniniwalaan niyang isa lamang sa maraming government projects na posibleng nagbigay ng benepisyo sa mga ari-arian ng pamilya Villar.
Bago pa man ang mga paratang, iginiit ni dating Senadora Cynthia Villar na ang Zapote River Drive Project ay bahagi ng flood control at traffic decongestion program ng pamahalaan upang marehabilitahan ang Las Piñas River at magbigay ng pangmatagalang solusyon sa baha sa Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa at Cavite.
Aniya, layon din ng proyekto na maging alternatibong daan upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Alabang-Zapote Road.
“Ipinakita namin sa proyektong ito na ang kapakanan ng nakararami ang dapat mauna, hindi ang interes ng iilan. Ang paratang na ito ay walang basehan at pawang paninira lamang sa politika,” ayon kay Villar. (Limuel Tolentino)
