Ibinunyag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na patuloy na isinasailalim sa modernisasyon at reporma ang kanilang ahensiya upang maging isang human-rights-based, development-driven, at reform-centered institution.
Sa ikalawang araw ng Justice Summit 2025 ng Department of Justice, sinabi ni Catapang na sa bagong direksyon ng BuCor, “ang corrections ay hindi tungkol sa pader kundi tungkol sa tao — at ang tunay naming tungkulin ay tulungan silang muling matuklasan ang kanilang layunin at lugar sa lipunan.”
Ilan sa mga pangunahing proyekto ng BuCor ay ang Iwahig Prison and Penal Farm Mega Ecozone, ang pagtatayo ng Regional Prison Facilities, at pakikipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na organisasyon upang mapagaan ang overcrowding at mailapit ang mga oportunidad ng reporma at reintegrasyon sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ayon kay Catapang, ang layunin ng mga programang ito ay ibalik ang dignidad ng tao at ihanda ang mga bilanggo para sa bagong buhay sa labas ng kulungan — sa pamamagitan ng edukasyon, kabuhayan, pagsasanay sa kasanayan, mga faith program, at mental health support.
“Ang katarungan ay hindi dapat parusa lamang, kundi pagbabago,” diin ni Catapang habang hinikayat ang mga kalahok ng summit na makiisa sa pagsusulong ng makatao at inklusibong sistema ng hustisya.
Dagdag pa niya, muling pinagtitibay ng BuCor ang pangako nitong maging “pillar of hope” sa loob ng justice system — isang ahensiyang hindi lamang nagbabantay kundi nagre-reporma, nagrerehabilitate, at nagrereintegrate ng mga PDL.
“Hangad namin ang panahong ang katarungan sa Pilipinas ay hindi lamang sinusukat sa tigas ng batas, kundi sa kabaitan ng mga institusyon, malasakit ng mga pinuno, at pangalawang pagkakataong ibinibigay sa mga nagnanais magbagong-buhay,” pagtatapos ni Catapang. (Mina Paderna)
