Layunin ng ICI na palakasin ang transparency, oversight, at accountability sa mga malalaking proyekto ng imprastruktura ng gobyerno.
Manila, Philippines – Inaprubahan ng Office of the President ang P41 milyon na pondo at 172 bagong posisyon para sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) para sa taong 2025, ayon kay Executive Director Atty. Brian Hosaka.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni Hosaka na malaking tulong ang pondo at bagong staffing pattern upang mas maayos na magampanan ng komisyon ang mandato nito sa ilalim ng Executive Order No. 94.
“Ang approved budget hanggang sa katapusan ng 2025 ay P41,481,000. Ito ay kukunin sa contingent fund. Kasama rin dito ang pag-apruba sa 172 contractual positions. Malaking tulong ito para magampanan namin nang epektibo ang aming tungkulin,” pahayag ni Hosaka.
Gagamitin ang badyet para sa operational expenses, capital outlay, at suweldo ng mga bagong tauhan ng ICI.
Dagdag pa ni Hosaka, kabilang sa mga posisyong bubuksan ang mga abogado, accountant, engineer, financial staff, investigator, at administrative personnel.
“Sa ngayon, karamihan sa mga abogado namin ay naka-detalye lang mula sa ibang ahensya ng gobyerno. Pero sa approval na ito, makakapag-hire na kami ng sariling organic staff,” aniya.
Aminado rin si Hosaka na hindi agad-agad mapupuno ang lahat ng posisyon, ngunit malaking hakbang umano ang pagkakaroon ng opisyal na budget at staffing pattern.
“Hindi ito biglaan, pero ang mahalaga ay naaprubahan na ang pondo at mga posisyon. Kapag na-download na ang budget at nakapaghire na kami, doon bibilis ang trabaho,” paliwanag pa niya.
Bagama’t wala pa silang inilalabas na datos para sa 2026 budget proposal, sinabi ni Hosaka na gumagawa na sila ng sariling budget office upang tutukan ito.
