ANG Navotas City ay nakatanggap ng mga parangal at pagkilala mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa pagganap nito sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) at PhilHealth YAKAP programs. Ang lungsod ay pinangalanang PhilHealth UHC Champion in Governance, PhilHealth YAKAP Champion na may Pinakamataas na Porsiyento ng Accredited PhilHealth YAKAP Clinics, at PhilHealth YAKAP Highest Compliance Rate–Government Employer. (JUVY LUCERO)
NAKATANGGAP ang Navotas City ng ilang parangal at pagkilala mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa pagganap nito sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) at PhilHealth YAKAP programs.
Ang lungsod ay pinangalanang PhilHealth UHC Champion in Governance, PhilHealth YAKAP Champion na may Pinakamataas na Porsiyento ng Accredited PhilHealth YAKAP Clinics, at PhilHealth YAKAP Highest Compliance Rate–Government Employer.
Nakuha ng San Roque Health Center ang titulong YAKAP Champion para sa Highest First Patient Encounter (FPE) matapos magtala ng 10,106 First Patient Encounter noong Setyembre 30, 2025.
Ang Schools Division Office (SDO) ng Navotas ay tumanggap din ng Outstanding Employer–Large Account Award, habang ang Navotas City Hospital ay kinilala bilang Outstanding Partner para sa Group Enrollment Program.
Lahat ng 13 health centers sa lungsod, kasama ang Navotas Medical and Wellness Center at ang Navotas City Hospital, ay accredited bilang PhilHealth YAKAP Clinics. Mula Enero hanggang Setyembre 2025, lahat ng centers ay nakapagtala ng 79,567 First Patient Encounters (FPE).
Pinuri naman ni Mayor John Rey Tiangco ang mga health worker ng lungsod at mga kasosyong ahensya para sa kanilang patuloy na pangako sa pagpapabuti ng access sa pangangalagang pangkalusugan.
“These recognitions reflect the hard work and dedication of our health frontliners and partners in ensuring that every Navoteño has access to quality and affordable healthcare. Patuloy nating palalawakin ang mga programang pangkalusugan upang mas maraming mamamayan ang maprotektahan,” pahayag ni Mayor Tiangco.

Binigyang-diin din ng alkalde ang nalalapit na paglulunsad ng PhilHealth’s “YAKAP para sa mga Mag-aaral” program sa November 12 at Kapitbahayan Elementary School na naglalayong makapag-enroll ang mga estudyante sa PhilHealth.
“Layunin ng YAKAP na mapalakas ang preventive healthcare sa pamamagitan ng maagang konsultasyon at regular na pagpapatingin. Hinihikayat ko ang mga magulang na iparehistro ang kanilang mga anak sa programang ito upang matiyak na may sapat silang proteksiyong pangkalusugan habang lumalaki,” dagdag ng alkalde.
Ang YAKAP, na kumakatawan sa Yamang Kalusugan Para sa Pamilya, ay nagtataguyod ng maagang konsultasyon, edukasyon sa kalusugan, at pangangalaga sa pag-iwas upang matulungan ang mga pamilya na manatiling malusog at protektado. (JUVY LUCERO)
