NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging alerto at agad i-report ang anumang kahina-hinalang kilos habang ipinagdiriwang ng bansa ang Undas 2025.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakalatag na ang nationwide security at public safety plan upang matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas.
“Buong puwersa ng PNP ay nakadeploy at handang rumesponde sa anumang insidente. Hinihiling namin ang pakikipagtulungan ng publiko at ang pagiging mapagmatyag,” pahayag ni Nartatez.
Mahigit 62,000 personnel mula sa PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang nakakalat sa buong bansa sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025.
Pinalakas din ang police visibility sa mga transport terminal, sementeryo, at iba pang pampublikong lugar kasabay ng inaasahang dagsa ng mga biyahero.
Pinaalalahanan din ni Nartatez ang publiko na siguraduhing nakasara at ligtas ang mga tahanan bago umalis, at huwag iwanang nakabukas ang mga bintana o may mga mamahaling gamit na lantad.
“Tawagan agad ang Unified 911 kung may emergency,” dagdag pa ng opisyal.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) alas-4 ng hapon nitong Biyernes, nasa 92,120 katao na ang bumisita sa mga pampublikong sementeryo sa Metro Manila.
Pinakamarami ang sa Manila North Cemetery na may 53,700 bisita, sinundan ng Manila South Cemetery (32,240), Laloma Cemetery (3,860), Manila Chinese Cemetery (2,000), at Paco Park Cemetery (320).
Una nang inanunsyo ng PNP na sila ay nasa heightened alert status, dagdag ng 25% personnel strength, upang matiyak ang mapayapang paggunita ng Undas 2025 sa buong bansa. (BOYET BARBA JR)
