Dumami pa ang mga pamilyang Pilipino na nagsasabing sila ay mahirap, ayon sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey.
Lumitaw sa ulat na 50% o katumbas ng 14.2 milyong pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap nitong Setyembre 2025, bahagyang tumaas mula sa 49% o 13.7 milyong pamilya noong Hunyo.
Ayon sa SWS, ang 1-porsyentong pagtaas ay dahil sa pagdami ng mahihirap sa Metro Manila at Luzon, habang bahagyang bumaba sa Visayas at nanatiling pareho sa Mindanao.
Sa mga nagsabing mahirap sila, 36% ang palaging mahirap, 8.7% ang karaniwang mahirap, at 5.7% naman ang bagong mahirap — o iyong mga naging mahirap sa loob lamang ng isa hanggang apat na taon.
Tumaas din sa 12% ang nagsabing borderline o nasa pagitan ng mahirap at hindi mahirap, mula sa 10% noong Hunyo. Samantala, bumaba sa 38% ang nagsabing hindi sila mahirap, mula sa 41% noong nakaraang survey.
Sa usapin ng pagkain, 41% ng mga pamilya ang nagsabing Food-Poor o kulang sa pambili ng sapat na pagkain, 11% ang nasa Food Borderline, habang 47% ang nagsabing Not Food-Poor.
Ayon sa SWS, ang bilang ng mga Food-Poor ay nanatiling pareho mula noong Abril 2025 at isa sa pinakamababang naitala mula Marso 2024.
Nananatili sa P3,000 ang karaniwang gastos ng mga pamilya sa inuupahang bahay, at P2,000 sa pamasahe. Tumaas naman ang gastos sa internet mula P800 at cellphone load mula P300.
Isinagawa ang survey ng SWS sa 1,500 adult respondents sa buong bansa mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025, sa pamamagitan ng face-to-face interviews, at may ±3% margin of error.
