TINIYAK ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang matiyak ang ligtas at komportableng biyahe ng publiko ngayong Undas at sa nalalapit na holiday season.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Oktubre 29, sinabi ni Lopez na malinaw ang direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing maayos, ligtas, at maginhawa ang paglalakbay ng mga Pilipino at hindi lang tuwing peak season, kundi sa buong taon.
“Maikli pero mabigat ang utos ng Pangulo, gawing ligtas at komportable ang biyahe ng ating mga commuters, hindi lang dahil Undas o Pasko, kundi dapat araw-araw,” pahayag ni Lopez.
Ipinunto ni Lopez na isa sa mga pangunahing sanhi ng aksidente sa kalsada ay kakulangan ng road worthiness ng mga sasakyan at kakayahan ng mga drayber.
Tiniyak ng kalihim na paiigtingin ng DOTr, LTO, at LTFRB ang inspeksyon ng mga sasakyan at mas mahigpit na pagsusuri sa mga aplikante ng lisensya.
“Kailangan naming siguruhin na ang mga nagmamaneho ay hindi lang may lisensya, kundi tunay na may kakayahan at disiplina. Wala nang fixers, wala nang non-appearance,” aniya.
Dagdag pa ni Lopez, layon ng DOTr na isulong ang driver education sa mga paaralan sa tulong ng Department of Education (DepEd), upang maitanim sa murang edad ang tamang asal at disiplina sa kalsada.
Tiniyak din ng kalihim na magpapatuloy ang malapit na koordinasyon ng DOTr at DPWH sa pag-aayos ng mga kalsada at transport infrastructure, lalo na sa mga matatarik at delikadong lugar tulad ng Benguet.
“Kailangan ding mabawasan ang mga abusadong drayber sa kalsada. Kapag bastos at siga ka sa daan, kakanselahin namin ang lisensya mo,” babala ni Lopez.
Sa kasagsagan ng Undas travel rush, nakatutok umano ang DOTr sa mahigpit na enforcement at visibility ng mga traffic enforcers sa mga pangunahing highway at labas ng expressway, kung saan madalas nagaganap ang aksidente.
“Lahat ng ahensya—LTO, LTFRB, Coast Guard—ay nakadeploy. Dapat ramdam ng publiko ang presensya ng gobyerno sa kalsada, pantalan, at paliparan,” sabi ni Lopez.
Sa sektor ng rail transport, inatasan ni Lopez ang MRT-3 at LRT-2 na magpatupad ng ‘skip train’ system upang mapabilis ang biyahe sa oras ng rush hour, at masigurong gumagana ang lahat ng escalator at elevator bilang bahagi ng Accessibility Law para sa senior citizens at PWDs.
Samantala, patuloy ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway, na target na magkaroon ng partial operation mula Valenzuela hanggang Malolos sa 2027, at Clark sa 2028.
Sa maritime sector, iniutos ni Lopez ang online ticketing system sa lahat ng barko upang maiwasan ang mahabang pila at overloading.
“Sabi nga ng Pangulo, if it’s online, no line,” ani Lopez. “Ang mga hindi susunod ay papatawan ng parusa o maaaring masuspinde ang kanilang operasyon.”
Sa mga paliparan, tiniyak ni Lopez na handa na ang lahat ng regional airports sa ilalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Dagdag pa niya, may redundancy system na ngayon ang CNS-ATM radar upang hindi na maulit ang technical glitch na nagdulot ng airspace blackout noong 2023.
“May dalawang redundancy na po. At may plano kaming magtayo ng isa pang CNS-ATM facility sa remote area bilang backup,” aniya.
Binigyang-diin din ni Lopez na sakaling magkaroon ng flight o trip cancellations, obligado ang airlines at ship owners na magbigay ng libreng pagkain, tubig, at tulong medikal. Dagdag pa ng kalihim, handa rin ang gobyerno na magbigay ng dagdag na ayuda sa mga stranded na pasahero.
“Hindi masamang doble ang tulong—meron sa airlines, meron din sa gobyerno,” sabi niya.
Sa kabuuan, iginiit ni Lopez na patuloy na isusulong ng DOTr ang “whole-of-government approach” sa transport system upang masiguro ang ligtas, maayos, at episyenteng biyahe ng bawat Pilipino.
Samantala, sa kanyang unang pahayag bilang bagong talagang OTS Administrator, ipinangako ni Undersecretary Gilberto Cruz na “ire-revolutionize” ang sistema ng seguridad sa mga paliparan ng bansa upang ito ay maitaas sa global standards at tumugma sa best practices ng international aviation industry.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi nararamdaman ng publiko ang pagbabago sa ating airport security. Ligtas, malinaw, at may pananagutan ang ating target,” ani Cruz.
Noong Oktubre 27, 2025, nagsagawa si Cruz ng ocular inspection sa NAIA Terminal 2 kung saan agad niyang tinukoy ang mga kritikal na lugar na nangangailangan ng agarang aksyon. Ang hakbang ay alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyakin ang maayos na karanasan at kaligtasan ng mga biyahero sa lahat ng pasilidad ng transportasyon.
Kabilang sa mga hakbangin na inihayag ni Cruz ang pagdaragdag ng mga security camera sa mga screening checkpoint upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagmamanman at accountability; pagpapalakas ng koordinasyon sa PNP para sa mas mabilis na tugon sa mga insidente; at pagsasagawa ng malawakang information campaign laban sa mga banta tulad ng “tanim-bala” at iba pang modus sa paliparan.
“Dapat maramdaman ng mga pasahero na protektado sila sa bawat hakbang ng kanilang biyahe,” dagdag ni Cruz. (MINA PADERNA)
