Itinampok ni Presidential Peace Adviser Carlito G. Galvez Jr. ang malaking ambag ng kababaihan sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa bansa, sa ginaganap na 2025 Philippine Conference on Women, Peace, and Security (WPS) mula Oktubre 28 hanggang 30.
Sa media briefing, tiniyak ni Galvez ang patuloy na suporta ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa WPS agenda.
“On the part of the national government, we will ensure that our country’s women shall be able to continuously and meaningfully participate in governance, security, and peace,” ani Galvez.
Binanggit din ng kalihim na nararapat lamang bigyan ng puwang ang kababaihan sa mga usaping pangkapayapaan at pagpapaunlad.
“Let us remember that women, in all their diverse and intersecting identities, rightfully deserve a seat at the table,” dagdag niya.
Ayon kay Galvez, napatunayan na sa mga nakalipas na taon na ang kababaihan—mula sa mga komunidad hanggang sa pambansang antas—ay nagsilbing driving force ng kapayapaan, na nagiging tulay sa inklusibong pamamahala, pagkakapantay-pantay, at kaunlarang pantay-pantay.
Ang tatlong-araw na kumperensiya ay naglalayong ipagdiwang ang mga tagumpay sa pagpapatupad ng WPS agenda, kabilang ang mga inisyatibong pinangunahan ng kababaihan sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
Itinatampok din dito ang mga lokal na liderato at community-defined peace practices, bilang pagkilala sa malawak na papel ng kababaihan sa pagtigil ng sigalot at pagbabago ng mga institusyon.
Ang programa ay nakabatay sa lokalisasyon ng global WPS agenda sa ilalim ng bukas, responsable, at participatory governance framework.
Tampok din ang Open Government Partnership (OGP) na layong palakasin ang kolaborasyon ng iba’t ibang sektor, fiscal openness, at inclusive policymaking upang higit pang mapalawak ang Philippine National Action Plan on WPS.
Katuwang ng OPAPRU sa naturang aktibidad ang United Nations (UN) Women Philippines at ang UN Development Programme (UNDP) Philippines.
Sa kumperensiya rin ilalabas ang resulta ng nationwide Mapping Study ng mga civil society organizations na kasangkot sa WPS, gayundin ang presentasyon ng 10 WPS Accelerators—mga grassroots groups na nagtataguyod ng mga pangunahing tema ng National Action Plan on WPS. (MINA PADERNA)
