Bigong makapasok sa gold medal match ang Alas Pilipinas U18 matapos matalo sa Iran, 26-28, 25-18, 25-19, 25-18, sa semifinals ng Asian Youth Games girls’ volleyball tournament sa Isa Sports City, Riffa, nitong Lunes, Oktubre 27.
Lumutang ang lungkot at luha sa mga batang Filipina matapos silang mapilitang lumaban na lamang para sa bronze medal, habang ang Iran ay umusad sa championship bilang nag-iisang unbeaten team sa torneo.
“It hurts that we lost. We tried our best, we gave our best in the game,” ani libero Atasha Anne Doroja. “Pero marami pa kaming puwedeng matutunan — sa emosyon, sa skills, at sa teamwork. Malayo pa ang puwedeng marating ng team.”
Bumida si Rhose Almendralejo para sa Pilipinas sa kanyang 25 puntos, kabilang ang magkasunod na atake na nagpanalo sa unang set — isa sa dalawang pagkakataon lamang na natalo ng Iran ng set sa buong kompetisyon.
Ngunit mabilis bumawi ang Iranian squad sa ikalawang set at ginamit ang matatag na depensa upang pigilan ang mga opensa ng mga Pinay.
Ang turning point ay dumating sa ikatlong set, nang tabla pa ang iskor sa 17-all, ngunit sunod-sunod na anim na puntos ang ibinigay ng Alas matapos magkamali sa serbisyo at tatlong beses ma-ace ng Iran.
Nanguna para sa Iran sina Ayda Valinezhad (18 pts) at Laya Afzouni (17 pts), na nagtulungan upang patahimikin ang masiglang Filipino crowd na umaasang makakasilat ng panalo ang kanilang koponan.
Susubukan ng Alas Pilipinas U18 na makabawi sa laban para sa third place, habang magtatapatan naman sa finals ang Iran at ang mananalong koponan sa kabilang semifinal bracket. (RON TOLENTINO)
