Photo: Issei Kato / Reuters
MULING pinatunayan ni Carlos Yulo na siya ang hari ng gymnastics matapos masungkit ang gintong medalya sa men’s vault ng World Artistic Gymnastics Championships sa Jakarta, Indonesia, nitong Sabado, Oktubre 25.
Sa edad na 25, ipinakita ni Yulo kung bakit siya ang kasalukuyang Olympic vault champion, matapos makakuha ng average score na 14.866 puntos, sapat para muling masungkit ang world title na una niyang napanalunan noong 2021 sa Kitakyushu, Japan.
Nakakuha si Yulo ng 15.2 puntos sa halos perpektong “piked Dragulescu” na may karagdagang .1 stick bonus, habang nagtala naman siya ng 14.533 puntos sa ikalawang vault gamit ang “handspring front 2.5 twist.” Ang bagong stick bonus rule ng International Gymnastics Federation para sa 2025–2028 Olympic cycle ang naging susi sa kanyang panalo laban kay Artur Davtyan ng Armenia, na nakapagtala ng 14.833 puntos at pumangalawa lamang.
Nakamit naman ni Nazar Chepurnyi ng Ukraine ang bronse matapos makakuha ng 14.483 puntos.
Ito ang unang pagkakataon na nagawang magdepensa ni Yulo ng world title sa parehong apparatus, isang tagumpay na nagdagdag pa sa kanyang kahanga-hangang karera. Matatandaang tinalo rin niya si Davtyan sa 2024 Paris Olympics, kung saan siya naging kauna-unahang Pilipino na nagwagi ng higit sa isang Olympic gold medal.
Sa kabuuan, umabot na sa walong world championship medals ang koleksyon ni Yulo, kabilang ang tatlong ginto, dalawang pilak, at tatlong tanso.
Matapos na walang maiuwi noong 2023 sa Antwerp, Belgium, muling bumangon si Yulo ngayong taon sa pamamagitan ng dalawang medalya, ang bronse sa floor exercise at ang pinakabagong ginto sa men’s vault, na lalong nagpatingkad sa kanyang pangalan bilang isa sa mga pinakadakilang atleta ng bansa. (RON TOLENTINO)
