IPINAGKALOOB ng Embassy of Japan sa pamamagitan ng Grant Assistance for Grassroots Human Security Project (GGP) ang mga bagong kagamitan para sa Tahanang Walang Hagdanan, Inc. (TWHI) sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, upang mapabuti ang kabuhayan at oportunidad ng mga persons with disabilities (PWDs) sa lokalidad.
Sa turnover ceremony ng proyektong “Provision of Equipment for Improving the Livelihood of Persons with Disabilities in Cainta, Rizal,” sinabi ni Hon. Yurie Mukaigawa, Second Secretary ng Embassy of Japan, na malaking karangalan para sa pamahalaang Japan ang makibahagi sa isa na namang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng mga komunidad sa Pilipinas.
“It is a great pleasure today to join this turnover ceremony of the Project for the Provision of Equipment for Improving the Livelihood of Persons with Disabilities. This initiative was made possible by Japan’s Grant Assistance for Grassroots Human Security Project, and we are truly honored to witness today’s important milestone,” ani Mukaigawa.
Pinuri rin ni Mukaigawa ang Tahanang Walang Hagdanan, Inc. (TWHI) para sa kanilang dedikasyon at pagsisikap na maisakatuparan ang proyekto mula nang lagdaan ang kasunduan noong Enero 23 sa tirahan ng Embahador ng Japan.
“First and foremost, I’d like to express my sincere appreciation and heartfelt congratulations to our esteemed partner, Tahanang Walang Hagdanan. After the signing ceremony last January, your unwavering dedication and efforts have brought this project to success. And for that, we are truly thankful,” dagdag niya.
Ipinahayag ni Mukaigawa na ang GGP program ay nakabatay sa konsepto ng human security, ang pagpapalakas at pagbibigay-proteksyon sa bawat indibidwal, lalo na sa mga pinaka-bulnerable at nangangailangan. Sa pamamagitan ng programang ito, nananatiling matatag ang pangako ng Japan na suportahan ang mga proyektong lokal na nakatuon sa pagpapaunlad ng komunidad at pangmatagalang kaunlaran.
Bilang tugon sa mga suliraning kinaharap ng TWHI sa mga lumang kagamitan na ginagamit sa loob ng mahigit apat na dekada, nagkaloob ang Embassy of Japan ng grant na nagkakahalaga ng US$55,229 o mahigit P3 milyon para sa pagbili ng 10 set ng makinarya na gagamitin sa paggawa ng mga wheelchair, assistive devices, at metal frames para sa mga upuan sa paaralan.
“This support is not just about providing machines, but it also reflects our strong commitment to improving lives and enhancing opportunities for persons with disabilities,” paliwanag ni Mukaigawa.
Ayon pa kay Mukaigawa, inaasahan na ang mga makabagong kagamitan ay makatutulong upang mapahusay ang produktibidad ng mahigit 270 empleyado ng TWHI at makapagbigay ng mas maraming oportunidad para sa mga taong may kapansanan.
“We are confident that these upgrades will significantly enhance TWHI’s operational efficiency and competitiveness, ultimately improving the quality of life for more than 270 individuals employed by TWHI. Wheelchairs will provide more opportunities and a brighter future for fellow individuals with disabilities, while the school chairs will improve educational efficiency for young generations,” aniya.
Ibinahagi rin ni Mukaigawa na ito ang kanyang unang turnover ceremony bilang GGP officer, at napakahalaga para sa kanya na ginanap ito sa gusaling ipinagkaloob din ng Japan sa TWHI noong 2013 sa pamamagitan ng parehong programa.
“I’m very glad to have this turnover ceremony in this memorable place for both of our nations,” aniya.
Simula nang itatag ang TWHI noong 1973, naging pangunahing katuwang ito sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga PWD sa pamamagitan ng paggawa ng wheelchairs, wooden teaching materials, ecobags, at packaging ng gamot.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mukaigawa ang matatag na ugnayan ng Japan at Pilipinas, na magdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng diplomatikong relasyon sa susunod na taon, sa temang “Weaving the Future Together: Peace, Prosperity, Possibilities.”
“This project stands as a shining example of what we can achieve through our strong partnership, a shared vision, and a collective commitment to progress,” wika ni Mukaigawa.
Ipinahayag din niya ang pag-asa na magpapatuloy ang tagumpay ng TWHI sa pagbibigay ng inspirasyon at kabuhayan sa mga mamamayan ng Cainta at mga kapwa PWD sa buong bansa.
Ayon kay Felix “Nonoy” Gonzalez Jr., Pangulo at CEO ng TWHI, taos-puso ang kanilang pasasalamat sa Embassy of Japan sa pagbibigay ng mga makinarya at kagamitan para sa ikabubuti ng mga PWDs sa Cainta.
“More importantly, this project is about people,” ani Evangelista, na binigyang-diin ang layunin ng proyekto na mapaunlad hindi lang ang kakayahan kundi pati ang dignidad ng mga PWDs.

Kasama rin sa okasyon sina Rizal Gov. Nina Ricci Ynares, Rizal Board Member Atty. Maria Kaye Ylagan, at Virginia S. Rabino ng National Council on Disability Affairs (NCDA).
Pinuri ni Gov. Ynares ang inspirasyon na ibinibigay ng TWHI sa mga Rizaleño.
“Proud moment ito para ipakita ang talento, kasipagan, at dedikasyon ng ating mga PWDs. Higit sa lahat, ang moral support ay napakahalaga,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pagbili ng mga produktong gawa ng TWHI, kabilang na ang mga upuan na ipinamamahagi sa iba’t ibang lugar ng Rizal.
Mula pa dekada ’70, kilala ang Tahanang Walang Hagdanan bilang isa sa mga pangunahing institusyong nagbibigay ng kabuhayan, pag-asa, at dignidad sa mga Pilipinong may kapansanan, patunay na ang tunay na lakas ng isang tao ay hindi nasusukat sa kakulangan, kundi sa kakayahang tumindig at magtagumpay. (ARNOLD PAJARON JR)
