ISINAPUBLIKO ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) nitong Miyerkules, Oktubre 22, kung saan idineklara niya ang kabuuang net worth na P74.02 milyon.
Ang hakbang ay kasunod ng kanyang naunang pahayag noong nakaraang buwan na handa siyang ilabas ang kanyang SALN “kung kinakailangan.”
Ayon sa ulat, nakasaad din sa kanyang dokumento ang mga kaanak na kasalukuyang nasa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan sa Isabela at mga kalapit na lungsod.
Kabilang dito sina Echague Mayor Faustino “Inno” Dy V (anak), Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy (manugang), at Isabela Vice Governor Francis Faustino Dy (anak).
Gayunman, napuna na maling nakasaad sa SALN ang ilan sa mga posisyon ng kanyang mga kamag-anak, na tila hindi pa na-update mula sa kanilang dating mga tungkulin.
Kabilang din sa listahan ng kanyang mga kamag-anak sa pulitika ang sina Victor Dy, Manuel Faustino Dy, Faustino Dy IV, Ian Paul Dy, Caesar Dy Jr., at Bernard Faustino Dy, na pawang mga kilalang miyembro ng makapangyarihang Dy political clan sa Isabela.
Kasabay ng paglalabas ng kanyang SALN, inanunsyo rin ni Speaker Dy ang pagbuo muli ng SALN Review and Compliance Committee ng Kamara, na layuning repasuhin ang mga patakaran sa paglalabas ng SALN ng mga mambabatas sa midya.
Pinamumunuan ang komite ni Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez, kasama sina Iloilo Rep. Lorenz Defensor at Marikina Rep. Miro Quimbo bilang mga vice chairperson. Kasama rin sa komite sina TGP Rep. Bong Teves Jr., Tarlac Rep. Maria Cristina Angeles, Quezon Rep. Mark Enverga, Ilocos Norte Rep. Angelo Barba, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
Bagaman inalis na ni Ombudsman Boying Remulla ang mahigpit na patakarang ipinatupad noong administrasyong Duterte na naglilimita sa access ng publiko sa SALN ng mga opisyal, hindi pa rin sakop ng bagong patakaran ang mga mambabatas, dahil nasa kanilang sariling desisyon pa rin kung ilalabas o hindi ang kanilang mga SALN.
Sa kabila nito, nananatiling usapin sa transparency at accountability kung hanggang saan handang magbukas ng kanilang yaman at ari-arian ang mga halal na opisyal ng bansa, lalo na ang mga nasa pinakamataas na sangay ng pamahalaan.
