Kapihan sa Manila Bay with Marichu Villanueva/FB
Ibinahagi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga detalye ng kanyang panukalang batas na naglalayong bumuo ng isang Independent People’s Commission (IPC) — isang ahensyang ganap na malaya, may ekspertong miyembro, at may kapangyarihang mag-imbestiga at magsampa ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Sotto na ang IPC ay bubuuin ng limang miyembro na pawang eksperto sa kani-kanilang larangan upang masiguro ang kredibilidad at lalim ng kanilang pagsusuri.
“Unang-una, the Independent People’s Commission should be completely independent,” ani Sotto.
“Ang mga miyembro nito ay dapat binubuo ng isang retired Supreme Court justice — kung maaari ay dating Chief Justice — o kaya’y Court of Appeals justice bilang chairperson.”
Bukod dito, kasama rin sa komisyon ang isang certified public accountant na dalubhasa sa forensic accounting, isang civil engineer o architect, isang kinatawan ng NGO o civil society, at isang akademiko na may espesyalisasyon sa public administration o economics.
Giit ni Sotto, mahalagang may representasyon mula sa publiko upang masiguro ang transparency at pananagutan.
Dagdag pa niya, magkakaroon ng subpoena powers ang IPC at posibleng palawakin pa ang mandato nito upang makapagsimula ng mga kaso o prosekusyon laban sa mga indibidwal na mapatunayang sangkot sa katiwalian.
“It may initiate prosecution. Dapat meron silang ganoong powers. Parang complainant siya — ini-initiate niya dapat ito, kasuhan ito,” paliwanag ng Senate President.
Tiniyak ni Sotto na isasapinal niya ang mga detalye ng panukalang batas sa hapon ng araw na iyon bago ito pormal na ihain sa Senado. (MINA PADERNA)
