INANUNSIYO ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagsasagawa ng isang linggong visitation activity sa lahat ng operating prison at penal farms ng ahensya mula Oktubre 20 hanggang 25, 2025, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week (NCCW).
Ayon kay Catapang, ang inisyatibong ito ay naglalayong palakasin ang ugnayang pampamilya at emosyonal na koneksyon ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa kanilang mga mahal sa buhay. Aniya, ito ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng makataong pagtrato at rehabilitasyon ng mga nakakulong, alinsunod sa layunin ng NCCW.
Ang anunsyo ay ginawa matapos niyang aprubahan ang rekomendasyon ni Deputy Director General for Operations Asec. Gil T. Torralba. Inatasan din ni Catapang ang lahat ng kaukulang personnel na tiyakin ang maayos, ligtas, at organisadong pagsasagawa ng mga pagdalaw, alinsunod sa mga umiiral na security at health protocols.
Sa kasalukuyan, ang regular na visiting days sa mga operating prisons and penal farms ay mula Miyerkules hanggang Linggo, maliban sa New Bilibid Prison (NBP) Maximum Security Compound kung saan ang pagdalaw ay Martes hanggang Linggo dahil sa dami ng mga PDLs.

Samantala, 500 PDLs mula sa New Bilibid Prison ang inilipat ngayong umaga sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City, bilang bahagi ng patuloy na hakbang ng BuCor upang maibsan ang congestion sa NBP at paghahanda sa planong pagsasara nito pagsapit ng 2028.
Ayon kay NBP Acting Superintendent Corrections Chief Inspector Roger Boncales, umalis ang grupo sa Port of Manila dakong alas-2 ng madaling araw, sakay ng barko at sinamahan ng 150 personnel mula sa BuCor SWAT, medical team, at corrections officers, katuwang ang iba pang law enforcement units. Inaasahan silang darating sa Zamboanga sa Huwebes. (MINA PADERNA)
