Nakiisa ang mga estudyante sa Marikina Freedom Park sa city-wide earthquake drill ngayong Oktubre 20, 2025, bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod sa posibleng pagtama ng “The Big One.” (Photo credit: Marikina LGU)
LIBO-LIBONG residente ng Marikina ang sabay-sabay na lumahok sa isinagawang city-wide earthquake simulation drill nitong Lunes, Oktubre 20, bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod sa posibilidad ng pagyanig ng malakas na lindol na tinaguriang “The Big One.”
Ang “The Big One” ay tumutukoy sa inaasahang lindol na may lakas na magnitude 7.2 o higit pa, na maaaring idulot ng paggalaw ng West Valley Fault na dumaraan sa Metro Manila.
Pinangunahan ni Mayor Maan Teodoro ang aktibidad na layuning patatagin ang kahandaan at disiplina ng mga mamamayan sa oras ng sakuna, alinsunod sa kaniyang polisiya ng “whole-of-community approach” sa disaster preparedness.
“Ang kaligtasan ng lahat ay tungkulin ng bawat isa. Dapat lagi tayong sama-sama at tulong-tulong bilang isang komunidad,” ayon kay Mayor Maan.
Ayon sa alkalde, tinatayang 100,000 sa mga lumahok ay mula sa mga paaralan, habang 50,000 naman ang mula sa mga komunidad at pribadong sektor.
Giit ni Mayor Maan, mahalagang mas paigtingin ang kultura ng kahandaan at bayanihan lalo na’t ilang bahagi ng Marikina ang nakapatong sa fault line.
“Hindi ito para manakot kundi para maging handa. We can never be ready enough, ngunit tungkulin nating gawin ang lahat ng ating makakaya,” dagdag pa ng alkalde.
Kasabay ng drill, sinuri ni Mayor Maan ang mga rescue vehicles, ambulansya, fire trucks, at mga field hospital na gagamitin sakaling magkaroon ng kalamidad.
Ayon sa kanya, handa ang lungsod sa kagamitan gaya ng vibroscope, isang instrumentong tumutulong sa paghahanap ng mga biktimang natabunan ng guho.
Samantala, tinukoy ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga itinuturing na safe zones sa bawat barangay na maaaring puntahan ng publiko kapag may lindol, kabilang ang mga open spaces sa Brgy. Sto. Niño, Malanday, Concepcion, Tumana, Nangka, at iba pang lugar sa District 1 at 2.
Paliwanag ni CDRRMO Chief Dave David, general areas lamang ang mga nabanggit at dapat pa ring tukuyin ng bawat pamilya ang pinakamalapit na ligtas na espasyo sa kanilang tirahan.
“Bawat pamilya, i-identify na ang pinakamalapit na open spaces. Hindi naman kailangang pumunta kung malayo,” ani David.
Bago ang drill, nagsagawa ng coordination meeting noong Oktubre 16 si Mayor Maan kasama ang iba’t ibang ahensya at stakeholders upang matiyak na ligtas at maayos ang pagsasagawa ng aktibidad.
Sa kabuuan, ipinakita ng Marikina City Government ang modelo ng kahandaan at pagkakaisa ng komunidad, isang hakbang tungo sa mas ligtas at matatag na lungsod sa harap ng anumang sakuna. (ARNOLD PAJARON JR)
