TODO-DEPENSA ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga ibinabatong alegasyon ng iregularidad, kasabay ng pagtitiyak na nananatiling matatag at lumalago ang pondo ng mahigit 1.7 milyong miyembro nito.
Sa inilabas na pahayag nitong Oktubre 17, 2025, iginiit ng GSIS na ang mga sigalot sa loob ng ahensya ay bunga lamang ng pagkakaiba ng pananaw sa investment strategy at pamamahala, at hindi dapat ituring na katiwalian.
Ayon sa pamunuan, lahat ng kanilang desisyon ay dumadaan sa mahigpit na proseso alinsunod sa Republic Act 8291 o GSIS Act of 1997, na nag-uutos ng maingat at makatuturan sa datos na pamumuhunan para sa kapakanan ng mga miyembro.
Binigyang-diin ng GSIS na malinaw sa mga datos ang katatagan ng kanilang operasyon.
Mula Enero hanggang Agosto 2025, umabot sa halos P1.92 trilyon ang kabuuang asset ng ahensya habang pumalo sa P100 bilyon ang kita, mas mataas ng mahigit kalahati sa target na itinakda para sa taon.
Ayon pa sa GSIS, patuloy na lumalakas ang koleksyon ng kontribusyon at tubo sa mga investment, dahilan para umabot sa P231 bilyon ang kabuuang kita.
Dahil dito, nananatiling ligtas hanggang taong 2058 ang pondo ng mga kawani ng gobyerno.
Kasunod ng kanyang pansamantalang suspensyon, nakabalik na sa tungkulin si GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, upang ipagpatuloy ang lideratong naghatid ng rekord na tagumpay sa operasyon ng institusyon.
“We respect and defer to the legal process, but our focus remains unwavering: serving our members,” pahayag ng GSIS.
Bilang pagtatapos, tiniyak ng ahensya na mananatili itong tapat sa mandato at misyon nito.
“Our mandate is to our members. Our guide is verifiable data. Our mission is to secure their future,” ayon sa GSIS. (MINA PADERNA)
